BAGUIO CITY – Kritikal ang kondisyon sa pagamutan ng isang 44-anyos na taxi driver makaraang pagsasaksakin ng mga pasahero na homoldap sa kanya sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Joel Toralde na tinamaan ng walong saksak ng kutsilyo sa braso, kamay at likod, at patuloy na inoobserbahan sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC).
Kasalukuyan namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga suspek na isang lalaki at isang babae na hinihinalang mag-live in partner.
Ayon sa ulat ng Baguio City Police Office (BCPO), nangyari ang krimen pasado alas-9:00 ng gabi noong Martes sa bahagi ng Lower Magsaysay Road kung saan sumakay ang mga suspek sa taxi ni Toralde at nagkunwaring mga pasahero.
Nagpahatid umano ang mga suspek sa night market ngunit hindi bumaba ang mga ito sa halip ay nagpahatid muli sa kanilang pinanggalingan.
Nang magawi sila sa isang madilim na lugar sa Lower Magsaysay Road ay nagdeklara ng holdap ang babae.
Ngunit nanlaban ang biktima sa lalaki hanggang sa magpambuno ang mga ito sa loob ng taxi at siya ay pinagtulungang pagsasaksakin.
Tumakas ang mga suspek tangay ang P3,000 cash na kinita ng biktima sa pamamasada at ang memory card na nasa dash camera ng taxi. (JG TUMBADO)
315 