(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
HINDI ikinatuwa ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang aniya’y tambalan nina Senador Bong Go at amang si Pangulong Rodrigo Duterte para sa 2022 presidential election.
Para sa alkalde, tila may itinatagong agenda ang tambalan ng dalawa.
Sa isang pahayag, hayagang sinabi ng unica hija ng pangulo na siya ay kinausap ng amang nakiusap umano sa kanya para i-endorso ang Go-Duterte tandem sa papalapit na halalan.
“The President, very recently, personally confirmed to me that he will run for Vice President and Senator Go as President. It was not a pleasant event,” saad ng alkaldeng una nang napabalitang tatakbong pangulo ng bansa.
Kasabay ng pag-amin ng ama, siya umano ay inabutan ng dalawang liham – isang paliwanag kung bakit kailangan niyang i-endorso ang tambalan ng dating alalay at ng kanyang ama, at isang pangungumbinsi sa kanyang tumakbong pangulo kasama ni Go bilang bise-presidente nito.
“I was left with two letters endorsed to me by the President for consideration – one note explained why I should endorse the Go-Duterte tandem and the other suggested that I take in Senator Go as Vice President,” pagpapatuloy ni Sara sa kanyang pahayag.
Pag-amin ng batang Duterte, lubha siyang napikon kaya naman ang kanyang panawagan sa ama at sa dating alalay nitong si Go na panindigan ang kanilang desisyon, kasabay ng paghimok sa dalawa na isapubliko ang kanilang hangaring pagsabak sa halalan.
Dagdag pa ni Sara, kailangan din ilahad ng magkatambal ang kanilang plataporma at plano kung paano matutugunan ang problemang kinasasadlakan ng mga Filipino.
“I strongly suggest to the President and Senator Go to own up publicly to run as a tandem. If they can confirm it privately, then I don’t see any reason why they cannot be candid about it to the
public. They should simply present to the people what they can offer to our country and how they can help our fellow Filipinos,” ani Sara.
Panawagan pa niya sa ama at sa dating alalay nito, tantanan na ang paggamit sa kanyang pangalan.
“I respectfully advise them to stop talking about me and make me the reason for them running or not running.”
Kinastigo rin niya ang dalawang personalidad na nasa kabilang paksyon ng PDP-Laban.
“Senator (Koko) Pimentel and Ronwald Munsayac should not blame me for the sad state of their political party. It is not my fault that not one among you is a leader worthy of the respect of the majority. Do not blame me for the sitcom that your party has been reduced to.”
Paglilinaw pa ni Sara, hindi niya umano papayagang maging “last minute replacement” dahil kaya naman umano niya mag-organisa higit pa sa kakayahan ng iba. Hindi rin aniya niya nanaisin na maging punching bag dahil lamang sa pagkakawatak-watak ng nasabing partido.
“I refuse to be a political punching bag for a party in complete disarray,” pagtatapos ni Sara.
Gayunpaman, hindi binanggit sa nasabing pahayag kung siya’y tutuloy sa kanyang planong pagtakbo bilang pangulo.
159 