MGA NEGOSYANTE NAGKAISA PARA SA ‘BAKUNA BUBBLE’

NAGKAISA ang mga kinatawan ng mga negosyante sa planong pagpapatupad ng “Bakuna Bubble” na maaaring makatulong sa mga nagnenegosyo na hindi sila tuluyang bumagsak dahil sa epekto ng COVID-19 sa halos dalawang taong pananalasa nito.

Ang meeting sa pamamagitan ng zoom nitong Lunes na pinangunahan ni Josephine Romero ng Go-Negosyo, ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang negosyo sa bansa.

Kabilang sa mga ito ay mula business processing outsourcing (BPO), electronics, fast foods, malls, transport, retails, restaurant at maraming iba pa.

Ayon kay Joey Concepcion, Presidential Adviser for Entrepreneurship ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, kailangan nang magkaroon ng tinatawag na “Bakuna Bubble” na siyang magsasalba sa ekonomiya ng bansa.

Aniya, kailangang payagan na ang mga bakunado na makalabas sa kani-kanilang mga bahay at makapasok sa mga establisimyento para makatulong sila na muling makapag-operate ang mga negosyo.

Binanggit pa niya, maaari namang pagsabayin ang paghihigpit ng pagpapatupad ng minimum health protocols at pagbubukas ng mga negosyo.

Ayon pa kay Concepcion, maaari namang hanggang 50% ng mga vaccinated ang papasukin sa mga establisimyento.

Idinagdag pa niya na mas limitahan lamang ang mga hindi bakunado dahil sila ang mga “vulnerable” sa COVID-19 dahil wala pa silang proteksyon sa pamamagitan ng bakuna.

Sinang-ayunan naman ni Chris Magsanoc ng Ayala Malls, ang sinabi ni Concepcion kaugnay sa tinatawag na “Bakuna Bubble”.

Sa nasabing Bakuna Bubble ay bibigyan ng prayoridad na makapasok sa mga establisimyento ang mga bakunado kung ikukumpara sa hindi pa natuturukan.

Sinabi pa ni Magsanoc na ang Bakuna Bubble ay makatutulong sa retail industry dahil sila ang inaasahan na makabibili sa mga establisimyentong kanilang papasukin.

Nagpahayag din ng suporta kay Conception si Eric Teng ng restaurant retail group, dahil ang kanilang planong Bakuna Bubble ay makatutulong sa kanilang industriya ng mga kainan.

Aniya, simula nang magkaroon ng pabalik-balik na lockdown sa loob ng halos dalawang taon nang manalasa ng COVID-19 sa buong bansa, ay malaki ang naging epekto nito sa kanilang negosyo.

Sinang-ayunan din nina Margot Torres, managing director ng McDonald’s, at Dan Lachica ng electronics industry, na payagan ang mga bakunadong tao na makapasok sa mga establisyemento.

Ganoon din sina Rey Untal ng BPO, at Rosemarie Bosh-Ong ng retail industry, ay sumang-ayon din sa Bakuna Bubble na mungkahi ni Concepcion.

Samantala, ang mga hindi pa nababakunahan ay limitahan muna ang kanilang paglabas habang hinihintay pa ang kanilang proteksyon laban sa COVID-19 lalo na ngayong lumalaganap ang Delta variant na mas nakahahawa at mapanganib.

Idinagdag pa nila na hindi maituturing na diskriminasyon ang paglimita sa pagpapalabas ng hindi bakunado, kundi pinag-iingat lamang sila na humantong sa malala at pagkamatay nila sa sandaling mahawaan sila ng COVID-19.

Kasabay nito, inirekomenda ng mga kinatawan ng malalaking kumpanya sa pamahalaan na bilisan ang kanilang pagbabakuna para magkaroon na ng herd immunity ang mga Filipino. (JOEL O. AMONGO)

165

Related posts

Leave a Comment