NANAWAGAN si Senator Joel Villanueva na palawigin pa sa susunod na taon ang pagbibigay ng dalawang special allowances para sa medical frontliners ng bansa sa ilalim ng 2022 national budget.
Ayon kay Villanueva, nais niyang taasan pa ang alokasyon para sa Special Risk Allowance (SRA) at ang COVID-19 Active Hazard Duty Pay (AHDP) sa 2022 national budget para mas malaki ang mauuwing salapi ng mga healthcare workers na kumakalinga sa mga may sakit ngayong panahon ng pandemya.
Kapag tinaasan ang laang pondo para sa SRA at AHDP, matatanggap ng mga medical frontliners ang nararapat na benepisyo para sa lahat ng kanilang sakripisyo, diin ni Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Dagdag pa niya, sa ilalim ng kasalukuyang panuntunan at limitasyon sa pagbibigay ng pondo, may ilang kontraktuwal na manggagawa na hindi nabibigyan ng mga allowance na ito kahit pa pareho lang naman ang peligrong kinakaharap nila.
Ang AHDP ay isang allowance na binibigay sa ilalim ng mga batas na Bayanihan sa public health workers, samantalang ang SRA ay para sa health workers sa pribado at pampublikong ospital.
At dahil ang isang public health worker ay hindi maaaring makatanggap ng higit P3,000 kada buwan ng AHDP, lumalabas na maximum na ang P136 kada araw, ayon kay Villanueva.
(ESTONG REYES)
