DOH ‘DI NAGBAYAD NG DOBLE PARA SA PPEs

PINANINDIGAN ng pamunuan ng Department of Health (DOH) na hindi sila nagbayad ng doble sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa biniling parehong set ng personal protective equipment (PPE).

Ayon sa DOH, binili nang bultuhan ang loose surgical masks at face shields upang proteksyunan ang mga healthcare worker sa tinatawag nilang ‘high at low-risk settings’.

Binili umano nila ang naturang mga gamit sa pamamagitan ng ‘virtual online store’ ng PS-DBM kung saan nakapaskil ang mga karaniwang suplay at kagamitan tulad ng PPEs.

“The DOH scanned the PS-DBM virtual store and purchased loose face shields and surgical masks, which were readily available, to immediately augment PPE supplies for healthcare workers in low-risk settings,” ayon sa DOH.

Para naman sa PPE sets, kailangan itong orderin at mas matagal na naideliber. Binubuo ito ng siyam na bahagi kabilang ang “coverall suits, gloves, N95 mask, head cover, shoe cover, surgical mask, surgical gown, apron, at face shield.”

Iginiit ng DOH na ang mga ito ay magkahiwalay na transaksyon at lahat ng kanilang inorder ay naibigay sa departamento.

Ipinamahagi naman nang libre ang mga PPE sa healthcare workers sa mga pampubliko at pribadong pagamutan at iba pang health facilities, sa Bureau of Quarantine (BOQ), at sa Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs). (RENE CRISOSTOMO)

130

Related posts

Leave a Comment