HINDI katanggap-tanggap para kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang “sorry” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkamatay ng 4 Chinese national sa isang anti-drug operation sa Zambales.
“Bakit ganun, kapag Chinese ‘I’m sorry!” pero kapag Filipino dudurugin ko kayo at patayin ang mga ‘nanlaban’? Mukhang mas pinoprotektahan pa nya ang mga dayuhan kesa mga sarili nyang kababayan,” ani Zarate.
Matapos mapatay ang apat na Chinese national na miyembro umano ng big time drug syndicate sa isang drug bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) sa Barangay Libertador, Candelaria, Zambales noong Martes ay humingi ng paumanhin ang pangulo.
Nakakumpiska ang mga operatiba ng 500 kilo ng shabu sa mga napatay na dayuhan na nagkakahalaga ng P3.4 billion – indikasyon na bahagi ang mga ito ng malaking sindikato ng droga sa Pilipinas.
“I’m sorry for the loss of lives, hindi naman natin ginusto ‘yan. “The country where these guys come from should understand that we have laws to follow,” bahagi ng paghingi ng paumanhin ni Duterte.
Para kay Zarate, mas nararapat humingi ng tawad ang pangulo sa pamilya ng mga Filipino na napatay sa anti-drug war ng gobyerno, lalo na ang mga inosente.
Bukod sa 5,793 katao na sinasabing napatay ng mga pulis sa kanilang anti-drug operations na sinimulan noong 2016 ay halos 30,000 pa umano ang biktima ng riding in tandem kung saan hindi nakilala ang mga salarin.
Gayunpaman, sa nabanggit na kaso, 253 pulis lang ang nakasuhan at na-inquest na isang indikasyon, ayon kay Zarate na walang plano ang gobyerno na panagutin ang mga pulis na naglagay ng batas sa kanilang kamay sa war on drugs. (BERNARD TAGUINOD)
142 