RECALL ORDER SA EXCLUDED CHINESE PASSENGERS, NEGOSYO?

SA ginawang pagdepensa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang umano’y maanomalyang kinasa­sang­­kutan ni DOH ­Secretary Francisco Duque ay tila mas nagkaroon pa ng lakas ng loob ang tanggapan ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na ­abusuhin ang kapangyarihan nito sa ilang maikling panahon na lamang na natitira sa kanilang termino.

Ang ating Immigration officers na nakabantay sa ­ating mga paliparan sa bansa ay ilang ulit nang ginagawa ang kanilang trabaho upang salain ang mga dayuhang pumapasok sa ating bansa para na rin sa ating national security.

Ngunit noong August 27, isang babaeng Chinese ang hinarang ang pagpasok sa NAIA terminal 3, na si Lin Sannan na may exclusion T3-21-08-030, dahil nakitang ito ay nailagay sa blacklist noong December 1, 2020 nang matuklasan na fake ang ginamit na Alien Employment Permit (AEP) para sa kanyang working visa ngunit noong September 3 ay nagpalabas ang Office of the Commissioner ng Recall of Exclusion Order JHM-2021-418, at ‘lifting of blacklist’ at pinapayagan na itong makapasok ng bansa.

Noong September 4, isang Wang Yongqiang naman ang hinarang sa terminal 3 na may exclusion T3-21-09-005, dahil sa hindi nito maipaliwanag ang kanyang biyahe at walang kakayanan sa pagpasok sa bansa. At noong September 6 ay agad na binawi ang kanyang exclusion matapos mag-request ang isang Connie Ng.

Tila napakalakas nitong isang dating deputy commissioner ng BI na si Atty. Gilberto Repizo kay Morente makaraang mapabawi muli nito ang exclusion order T3-21-09-006 ng isang Luo Xiaoli dahil sa pagiging public charge nito kung kaya’t hinarang ang kanyang pagpasok sa bansa noong September 5, kung saan ay isang araw lamang ay agad na napabawi ni Repizo ang exclusion order nito na may recall order JHM-2021-419.

Ito rin ang raket ng isang alias Heidi at Shyne na tirador ng recall para sa mga Chinese na nahaharang sa airport.

Hindi naman lahat ng Chinese ay masama ngunit dapat pa ring bantayan ng ating Immigration ­officers ang pagpasok ng mga ilan na ginagamit ng isang ma­laking sindikato.

Nakaraan lamang ay apat na Chinese ­nationals ang napatay sa isang shootout ng mga tauhan ng PDEA sa Candelaria, Zambales na nakilalang sina Gao Manzhu, Hong Jianshe, Eddie Tan at Xu Youha at nakasamsam ng 500 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 billion, at sa Bataan naman na 80 kilos na may halagang P544 million.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaari ninyo akong i-text sa 09158888410.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

193

Related posts

Leave a Comment