CTG HIGH-RANKING OFFICIAL HULI SA JOINT OPERATION

“KUNG ang mga lider nga ninyo ay nahuhuli na namin, paano na lang kayo? Ginagalugad ng ating mga tropa ang kabundukan at sa ibaba naman ay wala na kayong mga mass base na pwedeng pagtaguan. Sumuko na lamang kayo.”

Ito ang panawagan kahapon ni PNP-Police Regional Office 5 P/BGen. Jonnel C. Estomo matapos na madakip ang isang high ranking official ng Communist Terrorist Group sa inilunsad na focused military operation ng Joint Task Force Bicolandia.

Binalaan ni Gen. Estomo ang mga nalalabi pang kasapi ng komunistang New People’s Army na kung hindi pa sila susuko ay mangyayari rin sa kanila ang sinapit ni Chito Huligañga na nagtatago sa mga alyas na Ogos, Agos, August, Leo, Miguel, Mario, at Zardo ng CTG National Operations Command (NOC).

Si Huligañga ay nadakip nang magkasanib puwersa ng Philippine Army at PNP-PRO5 sa Placer, Masbate.

Nahuli ang suspek sa inilatag na dragnet operation ang mga tauhan ng 2nd Infantry Battalion (2IB), 903rd Infantry Brigade (903Bde), 91st at 21st Division Reconnaissance Companies (DRC), 96 MICO, PNP at iba pang intelligence units bilang tugon sa sumbong ng mga residente hinggil presensiya ng hinihinalang communist terrorist sa Barangay Nainday.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang caliber .45 pistol, hand grenade, tablet, dalawang cellphones, dalawang flash drives, Wi-Fi adapter at terroristic propaganda materials.

Si Huligañga ay itinuturing na high-value target na may tatlong standing warrants of arrest sa kasong double murder at frustrated homicide, paglabag sa Sec. 1, parag. 2 ng RA 8294, at paglabag ng Sec. 1 ng RA 9516.

Ayon kay Lt. Col. Siegfried Felipe Awichen, Battalion Commander ng 2IB, si Huligañga ay kasapi ng Central Committee at siyang nangangasiwa ng CTG’s trainings at sa pangkalahatang implementasyon ng tactical operation ng terrorist group.

Pahayag naman ni Col. Aldwine Almase, Brigade Commander ng 903rd Infantry Brigade, ang presensiya ni Huligañga sa Masbate ay patunay nang pagbagsak na ang CTG dahil sa mga nararanasang kabiguan hindi lamang sa Masbate kundi maging sa mainland Bicol. (JESSE KABEL)

355

Related posts

Leave a Comment