BI sa mga Pinoy-foreigner couple TIIS PA MORE

KONTING tiis pa at magkakapiling muli ang mga Pinoy na may kabiyak o karelasyong dayuhan.

Pagtiyak ito ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng pinaiiral na panuntunan sa pagbabawal makapasok sa bansa ang mga banyaga dulot ng COVID-19.

“May malaking epekto ang travel ban sa mga hindi pa ikinakasal na couple at sa kanilang pamilya. Marami ang kailangang magtiis habang may pandemya na wala ang kanilang mahal sa buhay. Naririnig namin kayo at naiintindihan namin ang hirap ninyo,” ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Tugon ito ng BI sa ‘global social media campaign’ ngayon na ‘Love is Not Tourism’ na iginigiit ang pagkikita ng mga nagmamahalan mula sa magkaibang lahi sa kabila ng ipinatutupad na pagsasara ng borders ng iba’t ibang bansa.

Sinabi ni Morente na marami na rin ang nagpapadala ng mensahe sa kanilang ‘communication channels’ na iginigiit na ang pagtungo ng mga dayuhan nilang karelasyon sa Pilipinas ay hindi isang uri ng pagbabakasyon ngunit para mabuo ang kanilang relasyon.

“We see your comments in our different channels, and we hear you. However, please bear with us as we implement what the IATF deems necessary. We trust their wisdom in deciding policies, and developing guidelines for safe inbound travel,” giit ni Morente.

Gumagawa naman umano ng mga paraan ang Pilipinas tulad ng pagpayag na makapasok sa bansa ang mga Filipino, balikbayan at dayuhan na may hawak na balidong visa mula sa mga bansa na nasa ‘green at yellow list’.

Umaasa rin si Morente na lalo pang gaganda ang sitwasyon sa pandemya at tuluyang luluwag na ang restriksyon sa pagpapapasok ng mga dayuhan sa bansa. (RENE CRISOSTOMO)

354

Related posts

Leave a Comment