SA kabila ng mga paalala ng mga kapwa abogado hinggil sa mandato ng iba’t ibang sangay ng gobyerno, tila walang naririnig ang Pangulo.
Banta pa niya, ipakukulong ang sino mang miyembro ng Senado sa sandaling i-contempt ang mga bata niyang sabit sa bulilyaso.
Ayon mismo sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), karapatan ng Kongresong ipatawag ang mga itinalaga sa pwesto para sa hangaring mag-imbestiga o para sa pagbalangkas ng batas kaugnay ng usaping kinasasangkutan nito.
Maging ang mga retiradong mahistrado, nagpahayag ng disgusto. Pangamba pa nila, tila tahasan nang nilalabag ng Pangulo ang Saligang Batas na kanyang sinumpaang poprotektahan nang siya’y umupo sa pwesto.
Sa pinakahuling paandar ng Pangulo, binantaan ang sino mang senador na magpapakulong sa mga kalihim na sa patawag ay hindi dadalo.
Masyado nang mahaba ang litanya ng Pangulo. Galit ba talaga siya sa korap? Bakit ayaw niyang magbigay linaw sa mga bulilyasong kinasasangkutan ng mga taong kanyang pinagkatiwalaan.
Sa mata ng publiko, mali si Duterte. Pakiramdam ng mga mapanuri, pinoprotektahan niya ang mga tiwali.
Huwag maliitin ang Pangulo. Isa siyang abogado. Ang batas, marahil ay kanyang kabisado.
At anong dahilan naman kaya ang nasa likod ng matigas na posisyon ng Pangulo? Wala naman siguro siyang itinatago. Paulit-ulit pa nga niyang sinasabing galit siya sa tiwali.
Katunayan, anim na taon na ang nakaraan, pinasikat niya ang pinakamainam na slogan ng isang pulitiko – “not even a whiff of corruption.”
Kung siya ay sinsero, higit siyang magpamalas ng angking husay sa pamumuno. Kung mayroong pogi points na mag-aangat ng kanyang
imahe sa publiko, ‘yan ay pusturang ipinanalo niya noong siya’y tumakbong Pangulo.
Hindi sapat ang sibakin niya ang kanyang mga tiwaling alipores. Dapat sa kanila, ilagak sa hoyo.
O ‘di naman kaya, ibalik ang tokhang sa mga mandarambong sa gobyerno.
487 