P262-M shabu kumpiskado 4 CHINESE PATAY SA ANTI-DRUG OPS *2 drug dealer napatay sa Tawi-tawi

droga

TINATAYANG 38 kilos ng ilegal na droga ang nakumpiska sa ikinasang magkasanib na anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (lead agency), Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na ikinamatay ng apat na Chinese national sa Angeles City, Pampanga nitong Lunes.

Ayon sa ulat, ang apat na Chinese national na hinihinalang mga kasapi ng bigtime international drug syndicate, ay napatay sa inilunsad na composite operation ng combined forces mula sa PDEA RO3, PDEA-IIS, PDEA SES, PDEA NCR, AFP Task Force NOAH, MIG41, NOLCOM, NICA, PDEG NCR, NCRPO-RID, BOC at Angeles City Police Office.

Kinilala ang mga napatay na sina Cai Ya Bing, 29, mula Yuncheng City, Shanxi; Erbo Ke, alyas “Payat”, 34, ng Quanzhou City, Fujian; Huang Guidong, 43, at Wuyuan Shen alyas “Jinpeng Zhang”, 41, kapwa taga Zhang Zhou, Fujian.

Tinatayang umabot sa P262 milyon ang street value ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek na napatay sa inilatag na buy-bust operation sa Gadiola Street, Punta Verde Subdivision, Pulong Cacutud, Angeles City.

Bukod sa umano’y shabu, nakuha rin sa mga suspek ang apat na .45 kalibreng baril at mga cellphone.

Samantala, sa hiwalay na anti-drug operation, napatay naman ang dalawang big time drug dealer na hinihinalang nakabase sa Malaysia, nang mauwi sa engkwentro ang operasyon ng pulisya at militar sa Bongao, Tawi-Tawi Ayon sa ulat, sa tabing-dagat ng Brgy. Pahut isinagawa ang buy-bust operation laban sa mga target na kinilalang sina Nadzmil Ladja na taga Sitangkai, Tawi-tawi, at Hari Man Bin Sabtula na mula naman sa Sabah, Malaysia.

Napag-alaman, nang aarestuhin ng mga awtoridad ang mga suspek ay nagkaroon ng palitan ng putok na ikinamatay ng dalawa.

Nakuha sa mga suspek ang 1.5 kilo ng shabu na tinatayang P10.2 milyon ang halaga, at 5 gramo ng marijuana na P600 ang halaga.

Itinuturing ng PNP na bigtime distributor ng droga ang dalawang suspek na nakabase sa Sabah.

Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, bulto-bulto ang paggawa ng droga ng grupo ng mga suspek. Ibinebenta ang mga ito sa magkakatabing probinsya ng Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Ang Malaysian na si Sabtula ang naghahatid umano ng supply papasok ng Pilipinas.

Bukod sa droga, narekober din ng mga awtoridad ang dalawang .45 kalibre ng baril at ang bangkang ginamit ng mga suspek. (JESSE KABEL)

170

Related posts

Leave a Comment