INAPRUBAHAN na sa Committee Level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang isailalim sa regulasyon ng gobyerno ang operasyon ng motorcycles-for-hire sa bansa.
Walang tumutol nang isalang sa Committee Approval ng House Committee on Transportation, na pinamumunuan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, ang Motorcycles-for-Hire Act.
“This would be a perfect Christmas gift for our thousands of motorcycle-for-hire riders. This law would surely free them from worries caused by possible policy shifts and law enforcement abuse,” ani Sarmiento.
Ayon sa mambabatas, hindi maitatanggi na ang motorcycle taxis at motorcycle delivery services ay naging job generating industries sa Pilipinas lalo na sa panahon ng pandemya.
Dahil dito, kailangan aniyang protektahan ang mga ito sa ano mang aksyon na gagawin sa kanila ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng papalit-palit na polisiya, crackdown at extortion.
Gayunpaman, hindi ligtas sa pananagutan ang mga rider at maging ang mga operator ng mga ito dahil nagtakda ang Kongreso ng parusa sa mga ito kapag lumabag sila sa batas.
Base sa inaprubahang panukala, kailangang irehistro ang mga motorsiklong gagamitin sa Land Transportation Office (LTO) base sa rekomendasyon ng Department of Trade and Industry-Bureau of Philippine Standards (DTI-BPS) subalit hindi na babaguhin ang itsura ng sasakyang irerehistro.
Layon umano nito na maproteksyunan ang mga pasahero ng mga motorcycle taxi at ang mga produktong ihahatid ng mga rider sa kanilang customers at hindi magamit ito sa masama.
Sino man ang lalabag sa itatakdang patakaran ay maaaring kanselahin ang kanilang registration at sususpindehin o kaya ay babawiin ang kanilang lisensya sa pagmamaneho, depende sa bigat ng kanilang paglabag.
“An operator who allows a rider who does not possess a valid Professional Driver’s License to operate a motorcycle-for-hire shall, in addition to penalties under existing laws and regulations, suffer a penalty of suspension or revocation of franchise, after due notice and hearing,” ayon pa sa inaprubahang panukala.
Higit sa lahat, kailangang protektahan ng mga rider at maging ng kanilang mga operator ang impormasyon ng kanilang mga kliyente dahil kung hindi ay parurusahan ang mga ito sa ilalim ng Republic Act No. 10173 o Data Privacy Act of 2012 bukod sa kailangang hindi malabag ng mga ito ang Consumer Act of the Philippines o RA 7394 na proteksyon ng mga consumer. (BERNARD TAGUINOD)
228 