BOOSTER SHOTS SA PRIORITY GROUPS SISIMULAN SA NOB.

TARGET ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 na simulan sa Nobyembre ang pagbibigay ng coronavirus disease 2019 vaccine booster shots sa priority sectors.

Kasunod ito ng pag-apruba ng Department of Health (DOH) sa probisyon ng booster shots sa mga fully vaccinated health care workers (A1), na unang nakatanggap ng bakuna noong Marso.

Prayoridad din ang Senior citizens (A2) at immunocompromised adults (A3), ayon kay NTF chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr.

Ani Galvez, ang Health Technology Assessment Council (HTAC) at All Experts Groups on COVID-19 Vaccines ay nagpalabas ng “positive opinion” sa pagbabakuna ng booster shots.

Sinabi ni Galvez na sinimulan na ng DOH ang pagpoproseso ng emergency use authorization na inamyendahan para sa iba’t ibang brand ng bakuna na gagamitin bilang booster shots.

Dalawang milyong booster doses ang inilaan para sa A1 at limang milyon naman para sa A2 at A3 priority groups.

Ang mga binakunahan ng Sinovac ay maaaring bakunahan ng Pfizer, AstraZeneca o Moderna bilang booster shot. (CHRISTIAN DALE)

250

Related posts

Leave a Comment