NE REP. VERGARA, FILIPINO CITIZEN – SC

IDINEKLARA ng Supreme Court na isang natural-born Filipino citizen si Rep. Rosanna “Ria” Vergara ng Ikatlong Distrito ng Nueva Ecija.

Labis naman ang pasasalamat ng mambabatas sa Korte Suprema sa pagtataguyod hindi lamang ng desisyon ng HRET kung hindi pati ang tunay na saloobin ng mamamayan ng Ikatlong Distrito ng nasabing lalawigan.

Makalipas ang limang taon, tuluyang tinuldukan ng Korte Suprema ang isyung bumabalot sa pagiging Pilipino ni Vergara.

Ayon sa En Banc decision noong Oktubre 5, 2021, pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon ng House of Representatives Electoral Tribunal o HRET kung saan kinilala ang pagiging Filipino ni Vergara at ang kanyang kwalipikasyon na maging miyembro ng Kongreso.

Ipinanganak si Vergara noong Nobyembre 5, 1963; parehong Pilipino ang kanyang ama at ina.

Sa pamamagitan ng proseso ng naturalisasyon, naging mamamayan ng Estados Unidos si Vergara noong 1998. Taong 2006 naman noong muling maging ganap na Pilipino si Vergara.

Habang naging tanyag si Vergara dahil sa kanyang galing at husay sa industriya ng enerhiya, pinasok niya ang pulitika noong taong 2016 dahil sa hangarin na maiparating sa Ikatlong Distrito ng Nueva Ecija ang mataas na kalidad ng serbisyo publiko na sinimulan ng kanyang asawa na si Jay sa Lungsod ng Cabanatuan noong 1998.

Ninais din ni Vergara na mabigyan ng pagkakataon ang mga botante ng distrito na makapamili ng kinatawan sapagkat walang tumapat sa gobernador na noon ay kumandidato bilang kongresista at ni minsan ay hindi pa ito natalo sa eleksyon.

Noong manalo si Vergara bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Nueva Ecija noong Mayo 9, 2016, ito ang naging unang pagkatalo ni Gobernador Aurelio “Oyie” Umali sa larangan ng pulitika.

Pagkatapos ng eleksyon, kabi-kabilang kasong nagkuwestiyon sa pagiging ganap na Pilipino ni Vergara ang isinampa ng kampo ng mga Umali, na pinangunahan ni Philip Piccio.

Ayon sa kanila, hindi sumunod si Vergara sa tamang proseso upang muling m aging mamamayan ng Pilipinas sa bisa ng Republic Act (RA) No. 9225 at hindi orihinal na mga dokumento ang nasa pangangalaga ng Bureau of Immigration (BI).

Noong 17th Congress, naglunsad ang House Committee on Good Government and Public Accountability ng isang imbestigasyon tungkol sa misteryosong pagkawala ng mga orihinal na dokumentong dapat ay nasa pangangalaga ng BI at na siyang nagpapatunay sa tamang pagsunod ni Vergara sa proseso upang muling maging ganap na Pilipino ayon sa RA No. 9225.

Kinumpirma rin ni BI Commissioner Jaime H. Morente na tunay na nagsumite ng aplikasyon si Vergara upang muling maging ganap na Pilipino at ito ay naaprubahan noong Nobyembre 2006.

Sa pagkumpirma ng naunang desisyon ng HRET, ipinaliwanag ng Korte Suprema na marami ang naging mga patunay na sumunod si Vergara sa tamang proseso upang muling maging ganap na Pilipino ayon sa RA No. 9225.

Ayon sa Korte Suprema, “there is overwhelming competent evidence proving Vergara’s compliance with Republic Act 9225 (Citizenship Retention and Reacquisition Act) for the reacquisition of her Philippine citizenship.” Bukod pa rito, ang pagkawala ng mga orihinal na dokumento ay hindi rin naging hadlang sa pagpapatunay ng katotohanan na aktwal na nagsumite si Vergara ng mga tamang dokumento. Sinabi ng Korte Suprema na “the issue in the present case pertains to the existence and due execution of these documents and not their contents…. The best evidence rule requiring the production of the original documents does not apply.”

Binigyang diin din ng Korte Suprema ang mahalagang polisiya na kailangan papanagutin ang mga opisyal na dapat sanang nangalaga sa mga mahalagang dokumento ni Vergara. Ipinaliwanag ng Korte Suprema na kailangang itama ang kamaliang ito upang hindi tularan ng iba at hindi mabalewala ang halaga ng mga dokumentong ipinagkakatiwala ng publiko sa mga kawani ng gobyerno. Ayon sa Korte Suprema, “that documents duly filed but have gone missing while in the custody of the receiving agency, without fault or even knowledge of the persons filing, will be rendered useless and void x x x”. This will bestow great injustice, not just upon Vergara or other similarly situated public officials, but likewise upon the general public who, in the first place, is powerless to prevent such mishaps.”

Ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong ito ay tunay na naaayon lamang sa mga naunang desisyon nito na nagsasabing maaaring maging miyembro ng mababang kapulungan ang mga sumunod sa prosesong nakasaad sa RA No. 9225 upang muling maging ganap na Pilipino tulad ni Vergara. Kaya naman maituturing na “nuisance suits” ang anomang pagtuligsa sa pagiging Pilipino ni Vergara at ang mga ito ay pawang balakid lamang sa tunay na hangarin ng mga botante ng Ikatlong Distrito ng Nueva Ecija na maging kinatawan nila sa Kamara si Vergara.

402

Related posts

Leave a Comment