P1-M bill sa resort tatakasan 5 ARESTADO SA ESTAFA

QUEZON – Limang nagpakilalang umano’y mga opisyal ng isang kompanya ang inaresto ng mga tauhan ng CIDG at PNP matapos tangkaing takbuhan ang kanilang bill sa isang resort sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa report ng pulisya, apat na araw namalagi ang mga opisyal kasama ang kanilang 75 umanong mga trabahador na dumating sakay ng apat na arkiladong bus.

Umabot ang kanilang bayarin sa mahigit P1 milyon.

Kinilala ng Sariaya Police ang mga suspek na sina Rushelle Rabaya, 35, residente ng Quezon City at nagpakilalang chief executive officer (CEO) ng kompanyang Global Manna Assets Holdings and Development Corporation; Celienda Sta. Lucia, 67, taga Salitran 4, Cavite na siya naman umanong treasurer; Jerry Eliseo, 52, taga Salawag, Cavite at siyang VP for Infrastructure; Aniano Alvaran, 52, taga Calamba City, Laguna at may posisyong Operations and Sales Manager; at Gaudelia Dumabok, 56, taga San Bartolome, Quezon City.

Ayon kay P/Lt. Col. William Angway, hepe ng Sariaya Police, inaresto ang mga ito dahil sa reklamo ng manager ng Dalampasigan Beach Resort Corp na si Ofelia Manao Haag at ng representative ng apat na driver ng mga bus na si Tomas Larente Montejo, Jr.

Dumating sa resort ang grupo noong Linggo, Oktubre 24 at nanatili hanggang Miyerkoles, Oktubre 27, at umukopa ng 17 rooms para sa 175 guests.

Umabot sa P1,056,382 ang bill ng mga suspek ngunit tangkang aalis na ang mga ito nang hindi nagbabayad kaya hinarang ng mga pulis.

Maging ang driver ng mga bus ay nagreklamo na rin matapos hindi rin mabayaran ang P280,000 na arkila sa apat na bus.

Ayon pa sa pulisya, hindi malinaw ang kanilang ginawang aktibidad sa resort dahil ayon sa ilang mga guest na kasama, seminar daw sana tungkol sa kanilang gagawing project ang kanilang ipinunta sa resort subalit panay pag-a-outing lang ang kanilang ginawa.

Nasa kustodiya na ng CIDG-Quezon ang lima at patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon at beripikasyon sa mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

256

Related posts

Leave a Comment