DALAWA ang patay sa Valenzuela City dahil sa COVID-19 noong Oktubre 28 habang 320 ang active cases matapos na 24 ang nagpositibo sa virus at 36 ang gumaling.
Pumalo na sa 35,376 ang mga tinamaan ng COVID sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 34,237 na ang gumaling at 819 ang namatay.
Wala namang iniulat na namatay dahil sa pandemya sa Malabon City sa nasabing araw ngunit walo ang nadagdag na confirmed cases. Sa kabuuan ay 21,136 ang positive cases sa siyudad, 105 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Catmon (1), Concepcion (4), Longos (1), Potrero (1), at Santulan (1).
Habang walong pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Concepcion (2), Dampalit (1), Longos (1), Maysilo (1), Tinajeros (2), at Tugatog (1). Sa kabuuan ay nasa 20,391 ang recovered patients ng Malabon at nanatiling 640 ang death toll.
Wala ring iniulat na namatay dahil sa COVID sa Navotas City habang 57 ang active cases hanggang 11:59 pm noong Oktubre 27 makaraang dalawa ang nahawaan at siyam naman ang gumaling.
Sumampa na sa 17,563 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 16,965 na ang gumaling at 541 ang namatay.
Wala pang inilalabas na COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
147 