CAVITE – Tinatayang sampung gramo ng umano’y shabu na tinatayang P68,000 halaga, ang nasamsam sa arestadong apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang magkasunod na buy-bust operation sa Bacoor City noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga inaresto na sina Francisco Catolico, 43; Glenn Ariola, 37; Presdan Baranda, 38, pawang mga residente ng Brgy. Zapote 1, at Leandro Bizares, 43, ng Sitio Silangan, Brgy. Talaba 7, Bacoor City
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Christian Nel Cuevas ng Bacoor City Police, dakong alas-6:30 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation sa Brgy. Zapote 1, Bacoor City kung saan nakipagtransaksiyon sina Catolico, Ariola at Baranda sa poseur buyer na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto at narekober sa kanila ang 5 gramo ng hinihinalang shabu na P34,000 ang street value.
Habang dakong alas-10:20 noong Biyernes gabi nang muling magkasa ang mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DEU) ng Bacoor CPS ng buy-bust operation sa Brgy. Niog 1 ng naturang lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto kay Bizares at narekober at limang gramo ng umano’y shabu na P34,000 ang halaga. (SIGFRED ADSUARA)
