6 SAKAY NG SUV DINUKOT SA HIGHWAY

road

BATANGAS – Anim katao ang dinukot ng armadong kalalakihan sa national highway sa Brgy. Niyugan sa bayan ng Laurel sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.

Ayon sa report ng Laurel Police, sakay ang mga biktima ng Mitsubishi Xpander at tinatahak ang Nasugbu-Tagaytay Highway patungo sa direksyon ng Tagaytay nang harangin ang mga ito ng apat na SUV.

Bumaba ang nasa 10 armadong kalalakihan at pwersahang inilabas mula sa Xpander ang mga biktima at isinakay sa isang puting Starex na hindi naplakahan.

Kinilala ang mga tinangay na sina Eugene Noora, isang alyas Shane Despe, Mar Christian Ore, Paulino Sebastian, Carlo Fazon at Mark Neil Caraan, ang mga ito ay pawang mga residente ng Dasmariñas City, Cavite.

Iniwan naman ng mga suspek ang dalawa pang sakay ng Xpander na sina Perly Cruz Lape at Ma. Jennelyn Bauya na siyang nakapag-report ng insidente sa PAC Base ng Laurel PNP sa Brgy. Dayap-Itaas.

Tinangay rin ng mga suspek ang Xpander ng mga biktima na makalipas ang ilang oras ay narekober sa bahagi ng Calamba City, Laguna.

Patuloy pa ang imbestigasyon ang mga awtoridad habang tinutugis at inaalam kung sino ang mga abductor. (NILOU DEL CARMEN)

233

Related posts

Leave a Comment