NAKALULUNGKOT isiping walang kinahinatnan ang pangakong binitawan ng Philippine National Police (PNP) na tuntunin, tukuyin at panagutin ang utak sa likod ng pamamaslang sa peryodistang si Gwenn Salamida nitong nakalipas na buwan ng Agosto sa loob mismo ng kanyang salon sa Quezon City.
Sa pagkakadakip ng dalawang suspek nagwakas ang kwento ni Gwenn. Ang asam na pagpapanagot sa utak ng pamamaslang, natapos sa pangako. Ang mastermind, malaya at hayahay – bagay na nakakapanindig balahibo para sa susunod na peryodistang target ng impakto.
Ang totoo, hindi lang si Gwenn ang pinaslang na peryodista sa ilalim ng rehimeng Duterte. Sa tala ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) nitong Mayo, 19 mamamahayag na ang napaslang mula nang maupong Pangulo si Rodrigo Duterte – at nadagdagan pa ng mga sumunod na buwan.
Sa pinakahuling ulat, may nadagdag pa bukod kay Gwenn. Siya ay si Dondon Dinoy na pinaslang sa balwarte mismo ng Pangulo – sa Davao.
Hindi rin malayong mas marami pa sa hanay ng mga mamamahayag ang patayin lalo pa’t papalapit na naman ang halalan – panahong pinakamataas ang bilang ng pamamaslang sa mga peryodista.
Kung tutuusin, ‘di hamak na mas mababa ang bilang ng mga peryodistang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Gayunpaman, sukdulang nakababahala ang naitalang bilang ng mga insidente ng panggigipit, pananakot, paghahabla at iba pang anyo ng maniobrang malinaw na pagpapamalas ng polisiyang taliwas sa malayang pamamahayag.
Sa talaan ng 180 bansang tinututukan ng Reporters Without Borders – isang international organization na nagbabantay sa hanay ng mga mamamahayag sa iba’t ibang panig ng mundo, lumalabas na nasa ika-132 pwesto lamang ang Pilipinas sa mga bansang ligtas para sa mga mamamahayag.
Batay sa Global Impunity Index 2021 ng Committee to Protect Journalists’ (CPJ), nasa ika-pitong pwesto ang Pilipinas sa mga itinuturing na “worst countries” pagdating sa mga hindi nareresolbang kaso ng pagpaslang sa mga journo.
Hindi biro ang trabaho ng isang tunay na journo. Paniwala ng marami, madali ang pera sa mundo ng pamamahayag, bagay na nag-uudyok sa iba pang pasukin ang mundo ng peryodismo.
Ang totoo, malayo na ang pinagbago sa industriya ng pamamahayag. Mabibilang na lamang ang tunay sa peryodista. Marami sa hanay ng mga nasa media, hanap lang ay tsapang ginagamit sa pag-abuso, pangingikil at pagiging propagandista ng mga politiko kundi man protektor ng mga sindikato.
Sa gitna ng nakakagimbal na katotohanan sa industriya ng pamamahayag, nagpaandar ang PNP sa anila’y datos na nagsasabing malaki na ang ibinaba ng krimen sa bansa.
Ayon kay PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar, nakapagtala ng 49.6% na antas na pagbaba ng krimen sa buong kapuluan, base sa datos ng National Crime Environment Report.
Posible naman – lalo pa’t sila ang may kontrol sa datos.(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
192 