PINAYAGAN na ng House Committee on Foreign Affairs si Department of National Defensor (DND) Secretary Delfin Lorenzana na tanggapin ang peace medal na igagawad sa kanya ng Indonesia.
Sa pagdinig ng House Committee on Foreign Affairs na pinamumunuan ni Zamboanga Sibugay Rep. Ann Hofer, inaprubahan ang Concurrent Resolution No. 22 na mismong ang lady solon ang nag-sponsor.
Si Lorenzana ay nakatakdang gawaran ni Indonesian President Joko Widodo ng Peace Award bilang pagkilala sa pag-rescue sa dalawang Indonesian fishermen na dinukot ng Abu Sayyaf noong 2019.
“The first Filipino to receive the award, in recognition for his zealous efforts to foster Philippine-Indonesia relations,” ayon kay Hofer.
Dahil dito, agad na nagmosyon si Zamboanga del Norte Rep. Glona Labadlabad na aprubahan na ang nasabing resolusyon na sinegundahan ni Manila Rep. Yul Servo kaya agad itong inaprubahan.
“It will be a great honor for Secretary Lorenzana to be the first ever Filipino to receive the prestigious Medal of Peace from no less than the president of Indonesia in recognition of his stewardship and leadership on rescue of Indonesians,” komento ng pagsuporta ni DFA Assistant Secretary Neal Imperia.
Ang nasabing parangal aniya ay lalong magpapatatag sa bilateral ties ng Pilipinas at Indonesia na importanteng regional partner sa defense and security cooperation ng dalawang bansa.
Base sa 1987 Constitution, lahat ng elective at appointive public officials ay hindi maaaring tumanggap ng ano mang pagkilala mula sa ibang bansa nang walang pahintulot ng Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)
187 