MALAPIT na sa pre-pandemic numbers ang dami ng bilang ng mga sasakyan sa EDSA.
Ito ang dahilan, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos kung kaya’t kinonsidera ng ahensya na magpatupad ng panibagong number coding scheme sa panahon ng rush hours.
Sinabi ni Abalos, na mahigit 399,000 sasakyan ang bumagtas o dumaan sa major thoroughfares noong Nobyembre 3 nang ang NCR ay ilagay sa ilalim ng Alert Level 2.
“Ang huli naming talaan dati po ay pre-pandemic ay 405,000. Ngayon, itong nag-Alert Level 2, nasabik ang tao. Ang lumabas ay 399,000. Talagang dumami,” ayon kay Abalos.
Noong Nobyembre 9, ang bilang ng mga behikulo na dumaan sa EDSA ay bumaba sa 384,000.
Sa kabila ng mabigat na daloy ng trapiko, sinabi ni Abalos na mabilis naman ang travel speed.
Ang number coding ay sinuspinde sa Metro Manila simula 2020 dahil sa pandemya. (CHRISTIAN DALE)
206 