LAGUNA – Patay ang 63-anyos na Turkish national nang saksakin ng kanyang live-in partner na Pinay nang magtalo sa kanilang bahay sa sa bayan ng Los Baños sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Kinilala ng Los Baños Police ang biktimang si Fetullah Yaldizci habang ang suspek ay ang kinakasama nitong Pinay na si Fatma Vivas-Yaldizci, 32, nakatira sa Barangay Tadlac.
Batay sa imbestigasyon, nagkasagutan ang dalawa sa kanilang bahay habang sila ay nag-iinuman matapos paluin ng biktima ang kanilang 3-anyos na anak na batang lalaki dakong alas-9:00 ng gabi.
Dahil parehong nakakainom, naging mainitan ang sagutan hanggang sa makakuha ng kutsilyo ang suspek at dalawang beses na inundayan ng saksak ang biktima. Usinugod pa sa Healthserv Medical Center subalit binawian ng buhay habang nasa daan pa lamang.
Nasa kustodiya na ng Los Baños Police ang suspek na sasampahan ng kasong homicide. (NILOU DEL CARMEN)
