STATUTORY RAPE KAPAG VICTIM 16-ANYOS PABABA

INAPRUBAHAN na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang batas na itaas sa 16-anyos ang edad ng biktima ng statutory rape mula sa kasalukuyang 12-anyos pababa.

“Finally, the decades-old loophole in the law will be addressed, and we are one step away from adhering to our commitments to international conventions on women and children’s rights,” ani Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na pangunahing may akda sa nasabing panukala.

Nakatakdang ratipikahan sa dalawang Kapulungan ng Kongreso ang nasabing panukala bago isumite sa Office of the President (OP) upang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Itinaon ang pagpapatibay sa nasabing panukala sa gitna ng Children’s Month celebration ngayong buwan ng Nobyembre na ayon sa mambabatas ay malaking tulong para maproteksyunan pa ang karapatan ng mga kabataan.

“This is one big leap for Filipino children’s rights, as the Philippines will no longer be the country with the lowest age of statutory rape in Asia,” ayon sa nasabing mambabatas.

Sa kasalukuyan, 12-anyos pababa lamang na biktima ng rape ang nabibilang sa statutory rape, na mas mabigat ang parusa kumpara sa mga ‘rapist’ na nanggahasa ng mga mas may edad na biktima.

Gayunpaman, dahil maraming teenagers ang biktima ay inamyendahan ang Republic Act (RA) 7610 Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Revised Penal Code o RA 3815.

“We laud women and children’s rights advocates who tirelessly pushed for the advance of this very important measure! Mabuhay kayong lahat!” deklarasyon ni Brosas.

Umaasa ang mambabatas na tuluyang mawala kundi man mabawasan nang husto ang rape cases sa bansa dahil sino man ang mapatutunayang guilty sa statutory rape ay hindi maaaring mabigyan ng pribilehiyo o magbenepisyo sa Good Conduct Time Allowances (GCTA) na karaniwang ginagamit ng bilanggo para mapaiksi ang kanilang sentensya. (BERNARD TAGUINOD)

491

Related posts

Leave a Comment