UMABOT sa P13 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa isinagawang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency at 4th Marine Brigade ng Philippine Navy sa lalawigan ng Sulu.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong itinuturing na mga bigtime drug dealer na nasakote sa inilatag na joint buy-bust operation.
Kinilala ang mga nadakip na sina Ilahan Yahya, 48; Murida Ahajan, at Elwina Unaid, 24, pawang mga residente ng Indanan, Sulu.
Una rito, nagsagawa ng intelligence operation ang mga ahente ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) at nang magpositibo ang operasyon ay nagkasa ng drug buy-bust operation ang PDEA katuwang ang 4th Marine Brigade at Indanan Municipal Police Station.
Nang kumagat sa bitag ay agad na dinamba ng mga awtoridad ang mga suspek.
Narekober sa mga suspek ang P13.6 milyong halaga ng shabu at buy-bust money na ginamit ng PDEA asset sa nasabing operasyon. (JESSE KABEL)
