DALAWA ang patay sa Valenzuela City dahil sa COVID-19, batay sa pinakahuling ulat ng City Epidemiology and Surveillance Unit.
Mula sa 830 noong Disyembre 9, umangat sa 832 ang COVID death toll ng lungsod noong Disyembre 11. Bukod dito, pumanhik din sa 39 ang active cases noong Disyembre 11 mula sa 37 noong Disyembre 9.
Pumalo na sa 35,857 ang confirmed cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 34,986 na ang gumaling.
Ayon naman sa Malabon sa City Health Department, isa ang nadagdag na confirmed case noong Disyembre 12 mula sa Barangay Tinajeros. Sa kabuuan ay 21,295 ang positive cases sa Malabon, 13 dito ang active cases.
Habang isang pasyente mula sa Barangay Catmon ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay nasa 20,631 ang recovered patients ng lungsod, at mapalad na hindi nadagdagan ang 651 na COVID death toll.
Wala namang namatay, walang nagpositibo sa virus at walang naitalang gumaling sa COVID-19 sa Navotas City noong Disyembre 12. Nanatili sa 17,634 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, kung saan 17,075 na ang gumaling, 545 ang namatay at 14 ang active cases.
Noong Nobyembre 28 pa nang huling maglabas ng COVID-19 cases update ang Caloocan City. (ALAIN AJERO)
