Ni JOEL O. AMONGO
NAHAHARAP sa posibleng ma-blacklist ang dalawang rehistradong importers makaraang mabulilyaso ulit sa tangkang pagpupuslit ng mga inangkat ng gulay at asukal mula sa bansang Tsina.
Partikular na tinukoy ng Bureau of Customs (BOC) ang EMV Consumer Goods Trading at JKJ International Co. na kapwa nakumpiskahan ng sandamukal na sibuyas at asukal na laman ng kargamentong idineklarang “wet wipes,” siopao at itlog.
Sa tala ng Port of Subic, hindi bababa sa P37 milyong halaga ng sibuyas at asukal ang nasamsam mula sa dalawang kumpanyang kapwa napag-alamang may mga dati nang bulilyaso sa nasabing kawanihan.
Kabilang din ang EMV Consumer Goods Trading at JKJ International Company sa mga tinukoy na kumpanyang gumagamit ng paiba-ibang pangalan ng kumpanya sa kanilang hangaring makaiwas sa nakaambang blacklist na una nang ibinabala ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero laban sa mga makulit na importers.
Bukod sa EMV Consumer Goods Trading at JKJ International Company, kabilang din sa mga binalaan ang Zhenpin, Thousand Sunny Enterprise, Dua Te Mira, at Gingarnion Agri Trading, na umano’y paulit-ulit nang nabulilyaso ng kawanihan bunsod ng mga tangkang pagpuslit ng mga kargamentong iba ang laman kumpara sa idineklara.
Kamakailan lamang, naging paksa sa Senado ang umano’y modus na palit pangalan ng mga importer sa likod ng agricultural smuggling sa bansa, bagay na nakatakda na rin
imbestigahan ng Senado.
Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng usaping agricultural smuggling, hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang BOC para sa malalimang imbestigasyon sa mga kumpanyang paulit-ulit lang nabubulilyaso subalit nagagawa pa ring magpuslit ng mga produktong agraryo mula sa Tsina, gamit ang bagong pangalan ng kanilang kumpanya.
Sa tala ni Hontiveros, higit pa sa kalahati ng mga nasabat na gulay ay natunton sa anim na kumpanya lamang, batay sa mga dokumentong nakalap ng kanyang tanggapan.
Aniya, paulit-ulit nang sumablay ang mga tinukoy na kumpanya para sa misdeclaration ng kanilang kargamento.
Hiling ng senador sa BOC, alisin na sa Joint Administrative Order (JAO) 20-01 ang mga paulit-ulit na violators na aniya’y dapat din kasuhan ng economic sabotage bukod pa sa kanselasyon ng lisensya sa pagnenegosyo.
“Smuggling threatens our economic recovery. Dapat may makulong sa mga ganitong kaso na ang nabibiktima ay higit sa lahat mga magsasaka, at ang buong agricultural sector. Damay rin maging mga local government units na madedehado sa dapat ay mataas na IRA galing sa BOC collections na mailalaan sana para sa mga kababayan natin. This is not a victimless crime. Hindi dapat ito pinapalampas,” dagdag pa nito.
Ayon mismo sa BOC Intelligence Group, kadalasang estilo ng mga importer ang pagpapalit ng pangalan ng kumpanya sa hangaring makaiwas sa posibilidad na mapabilang sa mga blacklist ng nasabing ahensya.
Diin pa ng intelligence group ng ahensya, makailang ulit ng nahagip ang mga kargamento ng EMV Consumer Goods, na nagpapalit lamang ng pangalan sa tuwing nabubulilyaso.
Kasabay ng pagkakabisto ng modus ng EMV Consumer Goods, tiniyak ng BOC ang pagsasampa ng patung-patong na asunto hindi lamang laban sa nasabing kumpanya kundi maging sa mga opisyales nito.
Bukod sa EMV, masusi na rin nirerebisa ng ahensya ang rekord ng iba pang mga importers na dawit sa “misdeclaration of goods” kaugnay ng kanilang bigong pagpupuslit ng iba’t ibang uri ng kargamento.
Paalala ng kawanihan, hindi ligtas na ikonsumo ng mga mamimili ang mga smuggled na gulay sa merkado, batay mismo sa paulit-ulit na pahayag ng Department of Agriculture (DA).
