TALIWAS sa nakagawian, piniling ipamahagi na lamang ng Bureau of Customs (BOC) ang mga kumpiskado at abandonadong kargamento sa daan-libong pamilyang sinalanta ng bagsik na dala ng bagyong Odette sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao.
Kabilang sa mga isinalin ng Auction and Cargo Disposal Division sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ang iba’t ibang klase ng kalakal tulad ng bigas, de lata, sapin sa paa, at iba pang tinangkang ipuslit sa bansa nitong mga nakaraang buwan.
Sa tala ng BOC, aabot sa 5,200 sako ng bigas, 91,200 de lata at 81,200 pares ng mga sapatos at tsinelas na lumapag sa Port of Batangas (POB), Manila International Container Port (MICP), at Port of Manila, respectively ang naipamahagi bilang pamasko sa mga evacuation centers kung saan pansamantalang nakatira ang daan-libong nawalan ng tahanan sa mga sinalantang lalawigan.
Pagtitiyak naman ng BOC, dumaan sa tamang proseso ang kanilang pagdidispatsa sa mga inabandona at kumpiskadong kargamento. Giit ng BOC, karapatan ng kanilang ahensya ang idispatsa ang mga nasabing kalakal sa paraang angkop batay na rin sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Kabilang naman sa mga dumalo at sumaksi sa isang simpleng turn over ceremony sina Director Emmanuel Privado,
Mark Poul Agner at Jesrel Migrato ng DSWD, Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, Deputy Commissioners Atty. Edward James Dy Buco (Assessment and Operations Coordinating Group), Donato San Juan (Internal Administration Group) at Raniel Ramiro (Intelligence Group).
Dumalo rin sa nasabing seremonya sina District Collectors Atty. Ma. Rhea Gregorio (Batangas), Romeo Allan Rosales (MICP), Deputy Collectors Atty. Kriden Balgomera at Atty. Ma. Liza Sebastian.
Binigyang pagkilala naman ng DSWD ang kawanihan sa maagap na tugon at pangingilak ng donasyon mula sa mga banyagang mangangalakal para sa mga sinalanta ng bagyong Odette kamakailan.
Tugon naman ni Guerrero, patuloy nilang susuportahan ang DSWD sa programang tutugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilyang nawalan ng tahanan.
262
