BAKUNAHAN SA 5-11 ANYOS SISIMULAN SA PEBRERO

TARGET ng Department of Health (DOH) na umpisahan ang bakunahan para sa 5-11 age group sa Pebrero gamit ang Pfizer vaccine kontra COVID-19.

Ito ang sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, head ng National Vaccination Operations Center (NVOC).

Aniya, hinihintay na lamang nila ang pagdating ng Pfizer jabs para sa mga bata na may naturang edad. Ipinaliwanag niya na kaiba ito sa formula ng bakuna na ibinigay sa kabataan na nasa 12-17 age group.

“Ang tinitingnan nating date, earliest first week of February maumpisahan natin ‘yung pagbabakuna ng ating 5 to 11,” ayon kay Cabotaje.

Una nang sinabi ng Food and Drug Administration (FDA) na ang naturang bakuna para sa mga batang may edad 5-11 ay may efficacy rate na 90% at may ‘very mild’ na epekto.

Inihayag naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maaaring dumating ang unang tranche ng naturang bakuna sa ikahuling linggo ng Enero o unang linggo ng Pebrero. Ito ay dahil umano sa kakapusan ng suplay ng bakuna sa buong mundo.

Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 13.5 milyong bata na kabilang sa naturang age group sa buong bansa. (RENE CRISOSTOMO)

188

Related posts

Leave a Comment