Dahil sa kontaminadong tubig VISMIN SAPUL NG EPIDEMYA

BUKOD sa nakaambang panganib bunsod ng pandemya, nahaharap sa matinding pagsubok ang libo-libong pamilya sa mga lalawigang hinagupit ng bagyong Odette may tatlong linggo na ang nakakaraan, ayon mismo sa Department of Health (DOH).

Sa tala ng DOH, siyam na katao na ang pumanaw dahil sa dehydration habang nasa 895 naman ang nasa balag ng alanganin bunsod ng diarrhea (pagtatae) na dulot ng kawalan ng ligtas na inuming tubig.

Partikular na tinukoy ni Ernesto Pareja na tumatayong tagapagsalita ng DOH Caraga region ang siyam na pumanaw mula sa Dinagat Island at Siargao kung saan nananatiling hamon kada araw ang kawalan ng suplay ng malinis na inuming tubig, makaraang sirain ng bagyo ang halos lahat ng imprastraktura at kabahayan sa nasabing lugar.

Aniya, bagamat tuloy-tuloy naman ang pagdating ng tulong mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor, hindi umano sumasapat sa pangangailangan ng lahat ang suplay, bagay na ikinababahala ng DOH-Caraga regional office.

Karamihan din aniya ng mga pumanaw at tinamaan ng diarrhea ay yaong mga magpahanggang ngayon ay nasa mga evacuation centers makaraang mawasak ng tuluyan ng bagyong Odette ang kani-kanilang tahanan.

Bilang tugon, nanawagan ang nasabing tanggapan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at mga non-government organizations para sa agarang pagtatayo ng mga emergency water treatment facilities na sasala tubig na iniinom ng mga residente.

“It’s hard to say it’s under control. The water supply remains irregular. Their food needs have not been addressed,” pag-amin ni Pareja.

Una nang naglabas ng babala kaugnay ng nagbabadyang krisis sa kalusugan sa mga lalawigang hinagip ng bagyong Odette. Narito ang bahagi ng kalatas na inilabas ng IFRC:

“It is extremely concerning that people have been getting very sick and even dying in areas smashed by this typhoon. The typhoon left millions without access to clean drinking water, hospitals and health facilities.”

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO), nasa 403 katao ang nasawi bunsod ng pananalanta ng bagyong Odette, bukod pa sa mahigit 1,200 nasaktan. Patuloy pa in ang pagtunton sa 78 kataong nawawala.

Nasa 340,000 katao pa ang nananatili sa mga evacuation centers kung saan patuloy na tinututukan ang posibilidad ng hawaan ng nakamamatay na COVID-19.
Nanawagan din si Pareja para sa tuloy-tuloy na tulong sa mga nasalanta — “To all our partners, we hope they will not stop the flow of aid. The situation remains unstable,” aniya. (RENE CRISOSTOMO)

428

Related posts

Leave a Comment