NANG dahil sa nakababahalang bilang ng impeksyon sa COVID-19 sa mga kawani ng Supreme Court at upang mabawasan na o lubos na maiwasan ang karagdagang paglobo ng bilang nito, mayroong bahagyang binago ang SC sa mga operasyon at mga alituntunin ng pasok ng mga kawani na epektibo sa Enero 10, 2022 na mananatili hanggang sa walang panibagong kautusan na magbabago nito.
Sa inisyung memorandum order ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo, ini-utos nito ang on-site skeleton workforce sa mga tanggapan ng Office of the Clerk of Court, Division Clerks of Court, Judicial Records Office, Financial Management and Budget Office-SC, Office of Administrative Services, Office of the Court Administrator (OCA), Financial Management Office-OCA, Court Management and Legal Offices ng OCA, at Internal Audit Service, simula Lunes hanggang Biyernes, na ang pasok ay simula 9:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon.
Pinaalalahanan naman ng Supreme Court ang mga hindi kinakailangang pumasok on-site na nasa ilalim ng work from home arrangement, na tukuyin ng mga mahistrado ang bilang at iskedyul ng kanilang mga tauhan na dapat pumasok sa kanilang chamber para sa mga trabaho na kailangan nilang aktuhan.
Samantalang hindi naman kasama sa skeleton workforce ang Office of the Bar Chair, Office of the Bar Confidant, at iba pang mga opisinang kailangan sa paghahanda ng naka-iskedyul na Bar Examinations, kasama rin dito ang Medical and Dental Services, at Security Division at Maintenance Division.
Nais naman ng hudikatura na ang mga tauhan/staff na kasama sa skeleton workforce, sa lingguhang rotation, ay kailangan lubusang suriin sa pagpasok nito sa lugar ng hudikatura upang matiyak na wala silang kahit katiting na sintomas ng COVID-19.
Mahigpit ang tagubilin ni CJ Gesmundo na kailangang subaybayan paminsan-minsan ang mga kawani na kasama sa skeleton workforce upang matiyak na wala silang sintomas ng impeksyon ng COVID-19.
Dapat ding magkaisa ang Chief of Offices at kani-kanilang mga kasama sa isang alternatibong pag-uulat na may kaugnayan sa shifting ng mga kawani; gayunpaman, ang mga Chief of Office na hindi kabilang sa on-site workforce ay kailangang on-call ang mga ito ano mang oras, kabilang na rin dito ang Chief of Offices/Services.
Kaugnay nito, inatasan ni CJ Gesmundo ang naturang mga opisyal o hepe ng bawat tanggapan na magsumite ng buwanang accomplishment reports ng kanilang mga empleyado sa ilalim ng work from home arrangement (WFH) sa loob ng unang limang (5) araw ng susunod na buwan.
Ang mga personal na paghahain ng mga initiatory pleading, atbp. na pinayagan sa ilalim ng MO No. 103-2021 na may petsang Nobyembre 5, 2021 ay sinuspinde na, at mananatili ang kautusang ito hangga’t walang mga karagdagang kautusan mula sa hudikatura.
Pinapayagan pa rin naman ng SC ang lahat ng pleadings at iba pang mga court submission alinsunod naman sa mga alituntunin na itinakda sa ilalim ng Memorandum Order No. 65- 2021 na may petsang Agosto 4, 2021.
Samantala, dahil na rin sa pagsasailalim ng Inter-Agency Task Force sa Alert Level 3 sa ilang mga lugar sa bansa ay mayroon ding ipinalabas na kautusan si Office of the Court Administrator Officer-in-Charge Raul Villanueva para maging gabay ng lahat ng judges, court personnel at court users na papairalin simula January 10-14, 2022.
Ito ang OCA-circular 02-2022 ni OIC Villanueva:
1. Mananatiling pisikal na bukas sa limitadong mga transaksyon lamang subalit wala pa ring pinapayagang pagdinig sa loob ng korte sa mga nabanggit na panahon.
2. Walang minimum o maximum skeleton workforce na pananatilihin sa nasabing panahon. Sa halip, ang mga Executive Judge (EJs) at/o Presiding Judges (PJs) ang pinagpapasya upang matukoy ang bilang ng mga tauhan na kailangang mag-ulat o pumasok sa kanilang korte.
3. Dapat tiyakin ng kinauukulang mga hukom o judges na ang mga kawani na papasok ay nasa maayos na kalagayan ang kanilang kalusugan at wala silang kahit katiting na sintomas ng impeksyon ng COVID-19, bago sila pumasok sa mga korte o opisina ng hudikatura.
4. Suspendido nang pasok sa araw ng Sabado samantalang ang regular na oras ng pasok sa mga tanggapan o mga korte ay mula 9:00 a.m. hanggang 3:00 p.m.
Ang naturang kautusan ni OIC Villanueva ay iiral sa lahat ng mga hukuman na ang lugar ay isinailalim sa Alert Level 3 ng IATF.
245 