HINDI na bago sa ilalim ng administrasyong Duterte ang paninindak sa hangaring mapasunod ang lahat, isang pusturang patuloy na pinangangatawanan maging ng mga itinalaga ng Pangulo sa iba’t ibang kagawaran.
Kamakailan lang, nagbanta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa hanay ng mga kapitang kumakatawan sa 42,000 barangay sa buong kapuluan. Anila, mananagot si Kap ‘pag hindi napasunod ang kanilang nasasakupan.
Partikular na tinukoy ni Undersecretary Jonathan Malaya na tumatayong tagapagsalita ng kagawaran, ang mga panuntunang inilatag kalakip ng muling pagsibol ng nakamamatay na karamdaman.
Aniya, papatawan ng parusa ang mga kapitan sa sandaling mapatunayang bigo sila sa pagpapatupad ng mga inilatag na paghihigpit sa kanilang pamayanan – kabilang ang pagtitiyak na mananatili ang mga hindi bakunado sa kani-kanilang tahanan.
Ang siste, puro pananakot lang ang kagawaran. May naipakulong na bang opisyal ng pamahalaan ang DILG? Parang wala naman. Katunayan, hanggang ngayon hayahay lang ang mga tulad nina Senador Aquilino Pimentel, dating Overseas Workers’ Welfare Administration deputy administrator Mocha Uson, dating PNP chief Debold Sinas, maging ang noo’y tagapagsalita ng Pangulo na si Harry Roque at iba pang hayagan ang paglabag sa mga umiiral na protocol.
Wala ni isang ipinakulong tulad ng ginawa sa mga ordinaryong mamamayang lumabag sa mga panuntunan.
Ang totoo, ang mga kapitan lang ang tinatamaan sa kapalpakan ng buong istruktura ng pamahalaan. Ang nakalulungkot lang, ang napiling isakripisyo ay ang mga taong higit na nakatutulong at direktang sumasagupa sa pandemyang sukdulang magdala sa atin sa kawalan.
Kawalan ng makakain, kawalan ng hanap-buhay, nawalan ng mga kaanak. Kawalan sa maraming aspetong bunsod ng garapalang kawalanghiyaan ng mga tiwali, abusado at mapagsamantala.
Kung nais ng DILG na sumunod ang lahat, dapat sigurong magsimula sa pamunuan ang pagiging huwaran, bagay na salat ang pamahalaan.
230 