ACADEMIC BREAK NG MGA GURO, SUPORTADO

SUPORTADO ni Senadora Risa Hontiveros ang panawagan ng mga guro para sa dalawang linggong health break.

Sinabi ni Hontiveros na tao rin ang mga guro na nalalagay din sa panganib ang kalusugan at nakararanas ng hirap tulad ng ordinaryong tao.

Ipinaliwanag pa ng senadora na sa panahon ngayon kung hindi man mismong ang guro ang maysakit ay ang kanilang pamilya.

“A two-week break is the amount of time for full quarantine and to let them rest, recover or attend to their family’s needs,” pahayag ni Hontiveros.

Kasabay nito, nanawagan ang mambabatas sa Commission on Higher Education na muling pag-aralan ang pagbabalik ng limited face-to-face classes.

Iginiit ni Hontiveros na dapat manatiling prayoridad ang kaligtasan ng mga guro at estudyante sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Idinagdag pa nito na hindi dapat payagan ang mga maysakit na guro na magturo sa mga estudyante na vulnerable din sa COVID-19.

“Ang kalusugan ng ating mga guro ay kalusugan din ng ating mga anak,” diin ni Hontiveros. (DANG SAMSON-GARCIA)

1289

Related posts

Leave a Comment