INIHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso nitong Lunes (Enero 10), ang pagbabago ng patakaran sa paggamit sa hospital bed para sa COVID-19 patients, kung saan tanging may malala o kritikal na sintomas ang tatanggapin sa anim na ospital matapos obserbahan ang pinakamataas na bilang ng mga impeksyon ng Omicron variant sa isang araw na nasa higit sa 33,000.
Ang anim na Manila district hospitals ay: Gat Andres Bonifacio Memorial Hospital (150-200 bed capacity), Ospital ng Tondo (50 beds), Justice Abad Santos Medical Center (150 beds), Ospital ng Sampaloc (50 beds), Sta. Ana Hospital (200 beds), ang New Ospital ng Maynila (384-bed capacity na may 12 intensive care units at 30 private rooms). Ang ikapito ay ang Manila COVID-19 Field Hospital na may 344-bed capacity.
“Para naman sa ganun, magamit natin yung ospital for its original purpose – bigyan ng tamang atensyon yung ibang sakit na dumadapo sa ating mga kababayan, tulad ng cancer, sakit sa puso, mga diabetic o nangangailangan ng dialysis, nanganganak o yung mga sanggol,” pahayag ni Moreno.
Para sa mga pasyenteng positibo sa Covid na may mild na sintomas ngunit may karagdagang kondisyon at nangangailangan ng wastong pangangalaga sa ospital ay tatanggapin.
Para sa mga asymptomatic o nakakaranas ng mild na sintomas ay hihilingin na mag “self-quarantine” o ihiwalay na lamang ang kanilang mga sarili sa kanilang mga tahanan kung mayroon silang available space.
Para sa mga walang available space para sa maayos na isolation, maari silang dalhin sa iba’t ibang quarantine facility ng lungsod ng Maynila, kabilang ang bagong gawang quarantine facility sa Araullo High School na matatagpuan sa Taft Avenue corner United Nations Avenue.
“Kasi po pag bubuhos nang bubuhos ang pagtanggap ng COVID-19 patients na mild but healthy persons, ay mauubusan po tayo ng espasyo at resources para sa ibang mga sakit. Ito po ay magdudulot ng pagkasawi ng ating mga kababayan na hindi naman COVID-19. They need also ample care o proper care,” anya ng 47-year-old presidential aspirant.
Tiniyak ni Moreno na, “there is much resources that are still available.”
Ayon sa Aksyon Demokratiko standard bearer, ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay nakatanggap ng karagdagang 20,000 Molnupiravir tablets upang mapunan ang mga stock nito matapos ang mahigit 30,000 na mga tableta ay nakonsumo ng mga indibidwal na nagpositibo sa Covid sa buong Luzon. Ayon pa kay Moreno, lahat ng anti-Covid na gamot ay libre at maaring magamit ng kahit sino na nangangailangan nito, mapa-loob o labas ng Maynila.
“When I say anybody, any human being. Open policy ang Maynila mabuhay lang ang tao – sa gamot, sa bakuna, sa swab test, libre po lahat hangga’t kaya natin. Yayakapin natin ang kaya nating yakapin lalo ng yung mga walang pera, yung mga mahihirap nating mga kababayan, yung mga walang pambili ng gamot to sustain yung good health nila” sabi ng alkalde.
70-Day Extension sa filing
of Business Permits
Samantala, sa gitna ng Omicron COVID-19 surge sa bansa, pinahaba ni Moreno nitong Lunes ang deadline ng pag-file ng business permits hanggang Marso 31 bilang suporta sa business sector ng lungsod ng Maynila.
“As a matter of support ng City Government of Manila sa ating mga negosyante, gumaan man lamang yung pakiramdam nila, at makapagtuloy silang makapag-negosyo sa Lungsod at patuloy na makapagbigay ng trabaho sa mga kababayan natin sa Lungsod, we asked the City Council, and thanks to our Vice Mayor Honey Lacuna and Majority Floor leader Joel Chua, to extend the filing of renewal ng ating business permit,” ani Moreno sa isang media briefing noong Lunes ng hapon.
“Under Resolution 289, the deadline for the filing of business permit is now until March 31,” dagdag ni Moreno. Aniya, ang pag-extend ng deadline ay kinakailangan upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao na gustong habulin ang original deadline nitong January 20 para maiwasan mabigyan ng penalty.
Dagdag pa ni Moreno, isa rin itong paraan upang maipakita sa mga negosyante sa Maynila na nakikinig ang pamahalaang lungsod ng Maynila.
“Huwag na po kayong mag-alala, marami pong nagre-request na negosyante sa amin dahil natatakot silang magpunta ngayon para mag renew ng kanilang mga business permit. Ayaw naman natin silang i-penalize. So, bilang pang-unawa ng ating Pamahalaang Lungsod, ito po ang pagdinig ng Lungsod ng Maynila sa inyong kahilingan,” sabi ni Moreno.
Para mas mapadali ang pag-file ng business permits, sinabi ni Moreno na maaaring mag-file ang mga traders online sa pamamagitan ng www.gomanila.com at mag-avail ng online payment systems tulad ng payment system sa mga piling SM outlets, o sa city hall portal.( RENE CRISOSTOMO)
355 