CAVITE – Walo katao ang sugatan, kabilang ang apat na kababaihan, makaraang araruhin ng isang tanker truck ang isang nakatigil na pampasaherong jeepney, nag-aabang na mga tao at isang tricycle sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Reneboy Ostia y Venida, 50, driver; Jessa Solsona y Tugueño, 27; Aldrin Ardina y Arias, 25; Dyanbe Borden y Agaban, 34; Rosemarie Lopez y Panza, 32; Henilyn Ducusin y Villar, 34; Joy Roquero y Laude, 28; at ang driver ng tricycle na si Joselito Arias y Paulo, 52-anyos.
Habang ang driver ng tanker truck ay kinilalang si Anthony Laberinto, 59, ng Sorosoro Karsada, Batangas City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Francis Mark Cortes ng Tanza Police, dakong ala-5:45 ng umaga nang mangyari ang insidente habang minamaneho ni Laberinto ang isang tanker truck at binabagtas ang Tanza-Trece Road sakop ng Brgy. Punta 1, Tanza, Cavite.
Ngunit nagkaroon umano ng mechanical failure at hindi na nakontrol ang manibela kaya inararo ang isang nakaparadang jeepney na naghihintay ng pasahero, isang tricycle na minamaneho ni Arias at ang nag-aabang na mga pasahero.
Masuwerte namang nasugatan lamang ang mga biktima na dinala sa pinakamalapit na ospital. (SIGRED ADSUARA)
184 