4 MUNISIPYO SA BULACAN NAKA-LOCKDOWN

ISINAILALIM sa halos isang linggong lockdown ang apat na munisipyo sa lalawigan ng Bulacan bunsod ng pagkakaroon ng sintomas at kalaunan ay pagpopositibo sa COVID-19 ng mga empleyado rito simula nitong Enero 13 hanggang 19.

Isasara pansamantala ang buong gusali ng munisipyo ng Angat, San Rafael, Balagtas at Bocaue upang bigyan-daan ang disinfection sa bawat departamento.

Ang mga nabanggit na munisipyo ay magiging paralisado simula sa mga petsang nabanggit dahil na-expose, nagkaroon ng sintomas at kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19 ang mga kawani o

LGU personnel mula sa mga tanggapan ng Municipal Health, Mayors Office, Budget, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Treasury, Assessors Office, Agriculture, Accounting Office, Civil Registry hanggang sa Traffic Management.

Mananatili naman accessible sa publiko ang mga medical frontline services, traffic management at rescue para matugunan ang mga emergency sa mga nasabing bayan.

Sa Lungsod ng Meycauayan ay sinuspinde rin ng pamahalaang lungsod ang transaksyon sa Business One Stop Shop (BOSS) na siyang nag-aasikaso sa mga kumukuha at nagre-renew ng mga business permit.

Samantala, sa pagpupulong ng Bulacan Provincial Task Force on COVID-19, patuloy na nanawagan si Governor Daniel Fernando sa mga chief executive sa bawat LGU at sa mga Bulakenyo na mahigpit na ipatupad ang minimum health standard protocol ng IATF. (ELOISA SILVERIO)

177

Related posts

Leave a Comment