INILUNSAD ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pinakabagong booster vaccination drive-thru para sa mga driver ng public utility vehicles, kabilang ang mga jeepney, taxi, tricycle, pedicab at maging ang mga delivery van sa Bagong Ospital ng Maynila, mula 8am hanggang 5 pm ngayong Lunes, para mapagaan ang booster drive-thru vaccination site sa harap ng Quirino Grandstand sa Luneta na ngayon ay 24-hour na nag-o-operate.
“Sino-sino po ‘yan? Jeepney driver, tricycle driver, sidecar boy, delivery van, pedicab driver, taxi driver. Dalhin nyo pamilya ninyo, mag drive-thru kayo, injection ng booster para proteksyon. Tapos uwi na byahe na uli, trabaho na uli para hindi masayang ang araw ninyo ng hanapbuhay,” ayon sa alkalde ng Maynila.
Ayon kay Moreno, sa malawakang pagbabakuna ay maaaring maiwasan ang pagpapa-ospital at kahit kamatayan ng mga tatamaan ng COVID-19 lalo na ngayong mayroong Omicron variant.
Patuloy pa rin sa Kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall ang booster drive-thru caravan para sa 2-wheel vehicles, kabilang ang mga courier ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, Foodpanda, Lazada, at iba pa.
Patuloy rin ang pagbabakuna araw-araw sa iba’t ibang Manila health centers, sa mga itinalagang public schools at shopping mall, at on-site booster shot para sa mga construction worker sa lahat ng Manila City projects.
“So meron tayong two-wheel motorized, non-motorized sa Kartilya ng Katipunan, meron tayong four-wheel sa private sa Luneta, at meron tayong innovation naman na dagdag sa Bagong Ospital ng Maynila sa kanto ng Mabini St. corner Quirino, sa tabi ng Manila Zoo,” sabi ni Moreno.
“Kasi yung infection hindi na maiiwasan. Pami-pamilya na ang nai-infect, so sa akin ang gusto ko may additional protection kayo para walang mamatay sa Covid. Yun na lang ang iniiwasan natin, yung masawi sa Covid infection,” saad ng alkalde.
“We’ll do our best. Basta pipilitin na mayakap kayo lahat as much as possible as soon as possible para sa kaligtasan nating lahat,” dagdag pa niya.
Pinaplano rin ng 47-year old Aksyon Demokratiko standard-bearer na gamitin ang bagong-redevelop na Manila Zoo bilang vaccination site para sa mga senior citizen at sa mga bata na may edad 5 hanggang 11 habang plano ng pambansang pamahalaan na ilunsad ang unang pediatric vaccination drive sa unang linggo ng February.
“So we thought, dahil sa nagre-request na mga tao sa Manila Zoo, at least magkaroon sila ng sneak peek. At marami naman na ang mapapasyalan dito – open air, maaliwalas. Double purpose pa, maipapasyal nila ang kanilang apo o yung mga lolo at lola,” sinabi ni Moreno noong Sabado sa kanyang pagbisita sa Manila Zoo.
405
