Dapat bawiin – Chiz NO VAX, NO RIDE MAY BAHID NG DISKRIMINASYON

NANAWAGAN si senatorial candidate at kasalukuyang Sorsogon Gov. Chiz Escudero sa Department of Transportation (DOTr) na agad iatras ang pagpapatupad ng isang polisiya nito na nagbabawal sa mga indibidwal na di-bakunado na makasakay sa mga publikong transportasyon kasabay ng kanyang pagsasabi na may bahid ng diskriminasyon at walang basehan sa batas na legal ang “no vax, no ride”.

Simula noong Lunes, pinagbabawalan ang mga pasaherong hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 na sumakay ng bus, taksi, dyip, bangka, at eroplano patungo, mula, at sa loob ng Metro Manila, base na rin sa nasabing direktiba ng DOTr na naglalayong pigilan ang pagkalat ng mas nakakahawang Omicron variant.

“Napakamali at may bahid ito ng diskriminasyon,” ani Escudero. “Ang pampublikong transportasyon ay isang pangangailangan at ang vaccination status ay hindi marapat na gamitin sa sinumang indibidwal upang pagkaitan siya na makasakay sa alinmang pampublikong transportasyon.”

“Sabi sa ating Saligang Batas, may equal protection and due process na laan sa lahat, maging sino ka man, sabi nga, ‘yun ‘yun at wala nang iba,” ayon kay Escudero na isang abogado.

Idinagdag niya na ang pampublikong transportasyon, tulad din ng iba pang public utilities kagaya ng tubig, telecoms o kuryente, ay isang serbisyo para sa buong publiko na inaalok nang walang diskriminasyon o pag-uuri dahil kaya nga ito tinawag na “pampubliko”.

“Walang matibay na basehan ng polisiyang ito ng DOTr. Mas magandang pagtibayin ay kung paano pa natin kukumbinsihin at hihikayatin ang mamamayang ayaw o takot magpabakuna at kung paano aabutin ang mahigit 30 porsyento pa ng target population na mabakunahan pa,” ani Escudero na ganap nang bakunado noong isang taon pa.

Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board, hindi bababa sa dalawang milyong pasahero ang gumagamit ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila sa mga pagkakataong nagluluwag ng restriksyon ang pamahalaan.

“Wala namang batas na tinatayuan ang ‘no vax, no ride’ policy ng DOTr. Dapat agad na ito ay bawiin dahil hadlang ito sa malayang paggalaw ng publiko, bakunado man o hindi. Ang pampublikong sasakyan ay para sa lahat, para sa mga papasok sa trabaho, para sa mga may kailangang pumunta sa hospital, para sa mga may bibilhin sa botika o grocery,” pagbibigay-diin ng gobernador ng Sorsogon.

Kung hindi babawiin, nagbabala si Escudero na maaaring maasunto ang DOTr sa Korte Suprema tulad ng nangyaring asuntuhan ngayon sa US kung saan ginawang sapilitan ang pagbakuna sa mga empleyado ng gobyerno nito at mga manggagawa ng malalaking kompanya.

“Hindi ako magtataka kung minsan ay may maghain ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang polisiya ng DOTR. Ang Pilipinas lang ata ang nag-iisa at bukod tangi sa buong mundo na nagbabawal ng mga hindi bakunado sa mga pampublikong sasakyan,” ayon sa senatorial candidate.

“Sana ay pag-aralang muli ng DOTr ang polisiyang ito. Dapat ibalanse ang karapatan ng mga mamamayan ng makabiyahe at pagbibigay importansiya sa kalusugan ng bawat isa. Ang mahalaga ay walang karapatan at pangangailangan natatapakan,” ani Escudero na dating pinamunuan ang Senate Committee on Human Rights. (ESTONG REYES)

219

Related posts

Leave a Comment