SABONG, MATAGAL NANG NASA PUSO NG PINOY

ALIWAN at libangan ang sabong o cockfighting para sa mga Pilipino. Aba’y laganap na nga ito sa ating bansa noon pa man.

Sabi nga, isa sa mga ­pangunahing pook-libangan ang mga sabungan sa alinmang bayan o lungsod na katatagpuan nito.

Kung tatanungin mo naman ang ilang matatanda, ang sabong ay isang bakas daw ng sibilisasyon ng mga sinaunang tao.

Gayunman, kung saan at paano nagsimula ang larong ito ay hindi rin malinaw o matiyak. May mga tala rin na dinala ito ng mga Kastila sa atin.

Sa kabilang banda, may mga nagsasabi rin na bago pa man dumating ang mga dayuhan upang sakupin ang bansa, ay bahagi na ito ng ­ating kultura.

Ibig sabihin, alam na ito ng ­ating mga katutubo noong antigong panahon. Ganoon na katagal sa bansa ang sabong.

Anu’t ano man daw ang tunay na pinagmulan nito, hindi maitatangging hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin itong tinatangkilik.

Kinagigiliwan nga ng ating mga kababayan partikular ng mga kalalakihan, ang sabong na ito, ­kahit nang magkaroon ng ­pandemya.

Sumabay kasi ito sa makabagong teknolohiya lalo na nang ipanganak ang e-sabong o online sabong.

Para sa iba, simpleng laro lamang o hilig ang sabong. Napaka-popular nito sa bansa. Kaya sa mga nayon at lalawigan ay laganap na laganap ang sabong.

Aba’y nagsimula raw ang sabong noong mga panahong salat sila sa mapaglilibangan.

Ito ‘yung mga panahon na wala pang telebisyon, radyo, pelikula at iba pang uri ng libangan.

Naging sentro ng kanilang aliwan ang sabong. Sa lahat ng kapistahang bayan ay ­laging tampok ang sabong para sa mga kalalakihan.

Kung tatanungin mo na­man ang mga grupong sibiko, lalo na ng mga samahan ng mga kabataan, ang pagpapasabong ay isang ­paraan para makalikom ng sapat na salaping iuukol sa mga proyekto ng mga kapisanan.

Mahalaga ito para sa kanila. Maraming nagkakaroon ng trabaho.

Sa mga lungsod naman, ang sabong ay isa lamang sa napakaraming ­mapagli­libangan ng mga kalalakihan.

Pinaghambing pa nga nila ang sabong at ang boksing.

Pareho lang daw kasi ang sistema sa dalawang laro.

Ang pinagkaiba lamang ay tao ang naglalaban sa boksing.

Ang mga manok naman, kapag natalo, kahit paano ay may adobong manok kang pulutan.

Sa boksing naman, kapag natalo ka, sa ospital o sa sementeryo ang bagsak mo.

Nang dahil sa pandemya at nagkahigpitan na simula noong 2020, ipinagbawal na ang physical cockfighting.

Dito na nga nilikha ang e-sabong o online sabong na tinatangkilik ng milyun-milyon nating mga kababayan.

562

Related posts

Leave a Comment