NAGSIMULA na ang mobile vaccination sa Quezon City nitong Huwebes sa pamamagitan ng proyektong ‘Bakuna Bus’ ng Philippine Red Cross (PRC).
Ang programa ay inilunsad ni Quezon City Councilor Patrick Michael “PM” Vargas upang makaabot ang pagbabakuna sa mga lugar na marami pa ang hindi nababakunahan.
Naisakatuparan ang programa sa suporta ni PRC chairman at Chief Executive Officer (CEO) Senator Richard Gordon kay Councilor PM Vargas na siya namang Red Cross QC Novaliches Branch Council chairman.
Isa ang programang medikal sa mga tinututukan ni Vargas, tumatakbong kinatawan ng Quezon City District 5.
Kasama rito ang pamimigay ng vitamins at anti-Covid kits sa iba’t ibang barangay sa District 5.
Nitong Biyernes ay naglunsad din si Vargas ng bloodletting activity na isa ring proyekto sa ilalim ng PRC.
Hindi ito ang unang beses na naglunsad ng programang medikal si Vargas sa tulong ni Sen. Gordon.
Lubos naman ang pasasalamat ni Vargas kay Gordon dahil sa walang sawa nitong paggabay at pagsuporta sa lingguhang online raffle para sa mga residente ng District 5. (RENE CRISOSTOMO)
