MULING nanindigan si Magsasaka Partylist (MPL) Rep. Argel Cabatbat laban sa planong pagsali ng bansa sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) trade agreement.
Sa isang media briefing, sinabi ng kinatawan ng mga magsasaka sa Kongreso na mas kailangang tutukan ang pagpapalago ng agrikultura bago muling sumali sa hindi pa siguradong kasunduan sa pandaigdigang merkado.
Sa ilalim ng kasunduan, malayang makakapasok ang produkto ng iba’t ibang bansa na miyembro nito sa mas mababang taripa o custom duties.
Ani Cabatbat, “nakakabahala na sa kasagsagan ng paghahanda ng coconut industry sa pagpapatupad ng Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act para sa 2.5 milyong magniniyog, ay naka-amba ang pagbuhos ng coconut products kung tuluyang mabuksan ang bansa dahil sa RCEP.”
Dagdag pa niya, “hindi napapanahon ang RCEP dahil hindi pa handa ang Pilipinas para makipagsabayan sa presyo at produkto ng ibang bansa.”
Kabilang ang Magsasaka Partylist sa nasa 120 pang representante mula sa mga grupo ng magsasaka, mangingisda, manggagawa, civil society at pribadong sektor na lumagda sa isang joint statement para i-apela sa Senado ang planong pagsali ng bansa sa RCEP.
Laman ng pahayag ang paghimok na tanggihan o ipagpaliban muna ang RCEP dahil hindi kumpleto ang impormasyon tungkol sa totoong pakinabang nito, at kulang din ang konsultasyon sa mga naapektuhang sektor.
Nangangamba ang grupo na magdudulot ito ng pagbaha ng mga produkto na inangkat mula sa ibang bansa na tuluyang papatay sa lokal na ekonomiya, partikular na ang mga produktong agrikultural.
Bago ito mag-recess sa Pebrero 5, nakatakdang talakayin ng Senado ang pagsali sa RCEP — ang itinuturing na pinakamalaking trade deal na kinabibilangan ng sampung ASEAN nations, pati na Australia, China at New Zealand. (CESAR BARQUILLA)
