TAPAT na paglilingkod sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit ang naging pangunahing layunin ng kilalang TV host na si Jopet Sison sa kanyang pagsapi sa the Fraternal Order of Eagles Philippine Eagles.
Sa isang simple ngunit makabuluhang induction ceremony na idinaos nitong Linggo, ika-30 ng Enero sa Thunderbird Resort sa Lalawigan ng Rizal, ganap nang naging miyembro ng Philippine Eagles si Sison na nakilala at minahal bunsod ng kanyang pagbibigay ng libreng payong legal sa mga Pilipino.
Sa nakalipas na mahigit dalawang dekada, kasama ni Jopet Sison sa pagtulong sa mga Pilipino ang kanyang ama na isang abogado rin sa pamamagitan ng kanilang TV program na “Ipaglaban Mo” na namayagpag sa ere sa loob ng ilang taon.
Ang nakababatang Sison ay isa sa mga Senatorial bet ng “Bilis Kilos” slate ni presidential candidate Manila mayor Isko Moreno Domagoso sa ilalim ng Aksyon Demokratiko.
Si Sison ang guest of honor sa idinaos na induction ceremony ng the Philippine Eagles kabilang ang mahigit isang daan pang kapwa inductees.
Sa kanyang talumpati, binigyan diin ni Sison ang kahalagahan ng pagiging seryoso at tapat sa pagbibigay tulong sa kapwa. Dagdag pa niya na dapat ay isabuhay at gawin ang bawat salitang binibitiwan ng mga leader ng bansa.
“Napaka-importante po ang pagiging tapat at totoo sa ating mga sinasabi… we should always ‘walk the talk’ dahil marami sa ating mga kababayan ang tunay na nangangailangan ng tulong. Ika nga ng ating mga magulang… ang pagsasabi ng tapat ay pagsasama ng maluwag,” ani Sison.
Mainit ang naging pagtanggap ng mga kapwa miyembro at opisyal ng Philippine Eagles mula sa iba’t ibang panig ng bansa kay Sison. Naniniwala umano sila sa sinserong hangarin ni Kuya Jopet sa kanyang kandidatura sa pagka-senador.
“Nakilala natin si Kuya Jopet bilang result-driven na tao, ginagawa niya ang lahat para masiguro ang pagtulong sa kapwa tulad na lang ng kaniyang napatunayan sa kanilang programa sa telebsiyon,” pahayag ni Kuya Eller Bantugan ng Davao Midpoint-Airport Eagles Club.
“Matagal nang tumutulong si Kuya Jopet sa ating mga kababayan sa programa nilang mag-ama na Ipaglaban mo, idol namin sya.” dagdag pa ni Kuya Eller na kasalukuyang kandidato bilang konsehal sa 2nd District ng Davao City.
Ayon naman kay Kuya Ricky Mallari, “ikinagagalak kong maging Kuya si Jopet Sison, isa sya sa karapat-dapat maging senador ng bansa. Bukod sa angking talino at karanasan, busilak ang kanyang hangaring maglingkod “.
Ang the Fraternal Order of Eagles Philippine Eagles ay may milyon-milyong miyembro sa buong Pilipinas at patuloy pa ang paglago. Kilala ang grupo bilang isa sa mga organisasyon na nagbibigay tulong sa mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng bansa lalo na sa panahon ng kalamidad.

452