ISANG 28-anyos na aktibong pulis na sinasabing kabilang sa PNP-PDEA drug watchlist, ang naaresto sa ikinasang joint anti-narcotics operation ng PNP Provincial Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency sa San Fernando City, Pampanga noong Martes, ayon sa Police Regional Office 3 (PRO-3).
Ayon sa ulat, inaresto ang suspek bandang alas-11:49 ng umaga sa Purok 5, Barangay San Jose sa isinagawang operasyon ng PNP-PDEU, katuwang Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office 3, at iba pang police units.
Nakumpiska sa operasyon ang 105 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang street value na aabot sa P714,000.
Dinala ang naarestong pulis sa tanggapan ng PDEU para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PRO-3 Regional Director Brig. Gen. Jess B. Mendez, ipinakikita ng operasyon ang mahigpit na pagpapatupad ng disiplina sa loob ng hanay ng pulisya.
“The arrest of a police officer included in the drug watch list sends a clear message that no one is above the law. Regardless of rank or position, those who violate the law will be held accountable,” ani Mendez.
(JESSE RUIZ)
73 