PAKAY ngayon ng manhunt operation ang riding in tandem killers na bumaril at pumatay sa dalawang gold buyer at ikinasugat isa pa kasunod ng pananambang sa Barangay Poblacion 8, Midsayap, North Cotabato noong Martes ng hapon.
Ayon sa ulat, kinilala ni Lt. Col. Rey Salgado, hepe ng Midsayap Police Station, ang mga nasawi na sina Bhots Gainal, 54, at Mohammad Tula, 43, kapwa residente ng Cotabato City. Sugatan naman si Guiamad Ferdausy, 32, mula sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
“Another member of the ambushed group, Gainal’s 17-year-old son, escaped unhurt,” ani Salgado.
Ayon sa pulisya, papunta ang mga biktima upang makipagkita sa umano’y nagbebenta ng gold bars mula Malabang, Lanao del Sur bandang alas-3 ng hapon nitong Lunes nang sila ay ambusin.
Batay sa imbestigasyon, dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo ang umatake sa pickup truck ng mga biktima habang binabagtas ang kahabaan ng national highway, dahilan upang mahulog ito sa irrigation canal.
Patuloy na iniimbestigahan ang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
(JESSE RUIZ)
112 