11 TUMBA SA PANDEMYA SA 3 LUNGSOD SA CAMANAVA

NAKAPAGTALA ng 11 namatay sa COVID-19 sa mga lungsod ng Malabon, Navotas at Valenzuela, ayon sa pinakahuling ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.

Ayon sa ulat, pito ang binawian ng buhay dahil sa pandemya sa Valenzuela City noong Pebrero 4 at 243 ang active cases matapos na 34 ang nahawa at 52 ang gumaling.

Pumalo na sa 43,441 ang mga tinamaan ng COVID sa lungsod, at dito ay 42,287 na ang gumaling at 911 ang namatay.

Tatlo naman ang binawian ng buhay dahil sa COVID sa Navotas City noong Pebrero 3, at hanggang tanghali ng nasabing araw ay 75 ang active cases makaraang 10 ang nagpositibo sa virus at walo naman ang gumaling.

Sumampa na sa 20,974 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at sa nasabing bilang ay 20,268 na ang gumaling at 631 ang namatay.

Samantala, isang pasyente mula sa Barangay Ibaba, Malabon City ang binawian ng buhay kaya’t sumipa na sa 707 ang COVID death toll ng lungsod noong Pebrero 4.

Siyam ang nadagdag na confirmed cases sa nasabing araw mula sa Barangays Catmon (1), Ibaba (1), Niugan (2), at Tonsuya (5). Sa kabuuan ay 25,140 ang positive cases sa siyudad, 53 dito ang active cases.

Habang 13 ang gumaling mula sa Barangay Baritan (2), Longos (2), Maysilo (2), Niugan (1), Tañong (1), at Tonsuya (5). Sa kabuuan ay 24,380 ang recovered patients ng lungsod. Isa naman ang muling nagpositibo sa COVID-19 mula sa Barangay Catmon.

Wala pang COVID-19 cases update na inilalabas ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)

141

Related posts

Leave a Comment