SA panahon ng expansion phase ng limited face-to-face classes, pinapayagan ng Department of Education (DepEd) ang mga eskuwelahan na i-extend ang oras ng in-person sessions para sa pagtuturo at pag-aaral.
Sinabi ni Education Assistant Secretary Malcolm Garma na bibigyan ang mga expansion school ng “flexibility” sa contact time para sa pagtuturo at pag-aaral para ma- maximize ang oras ng ilalagi ng mga kabataan sa panahon ng expanded limited face-to-face classes.
Paliwanag ni Garma, habang isinagawa ang pilot run ng limited face-to-face classes noong Nobyembre hanggang Disyembre ng nakaraang taon, ang mga lumahok na eskwelahan ay pinayagan lamang ng tatlo hanggang apat na oras para sa pagtuturo at pag-aaral.
“Based on our findings [in the pilot run], the students felt that the time they are in school was not enough,” ayon kay Garma.
Ang mga guro aniya ay nagbigay ng kahalintulad na feedback — tinukoy na ang oras para sa face-to-face sessions ay hindi sapat para i-cover ang mga aralin.
Bukod sa extending contact time para sa pagtuturo at pag-aaral, sinabi ni Garma na makakasama rin ang iba pang grade levels sa expanded face-to-face classes.
“It will now cover Kinder to Grade 12, that’s part of the expansion phase,” paliwanag nito. (CHRISTIAN DALE)
