SA kabila ng pagpapatupad ng mahigpit na regulasyon sa mga lansangan, pumalo pa rin sa 6,000 aksidenteng kinasasangkutan ng mga motorsiklo ang naitala ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) para sa nagdaang taon.
Sa datos ng HPG, malaking bahagi ng nasabing bilang ng mga naitalang aksidente ay pawang dulot ng “human error,” kundi man pagiging iresponsable ng riders sa mga lansangan.
“Ayon sa ating datos, lumalabas na karamihan talaga ay human error. Ang ibig po nitong sabihin, hindi po pagsunod sa batas trapiko ang dahilan ng mga kinasangkutang aksidente,” ani Lt. Col. Christian Dela Cruz ng PNP-HPG.
Higit pang ikinaalarma ng opisyal ang aniya’y dami ng mga pumanaw sanhi ng mga aksidenteng sangkot ang mga motorsiklo, kasabay ng giit na hindi nagkulang ang kanilang tanggapan sa paulit-ulit na paalala sa wasto at disiplinadong paghawak at pagpapatakbo ng mga motorsiklo.
Kaugnay nito, muling hinimok ni dela Cruz ang riders na sumailalim sa libreng “motorcycle riders’ safety and discipline” upang mabawasan ang mga sakunang kinasasangkutan ng libo-libong motorsiklo sa mga lansangan. (JESSE KABEL)
