TATLONG buwan bago idaos ang May 2022 national at local elections ay dinesisyunan ng 2nd Division ng Commission of Elections (Comelec) ang protesta sa mayoral post sa Taguig City.
Sa desisyon ng Comelec, ibinasura nito ang protestang inihain ni Arnel Cerafica laban sa pagkapanalo ni Mayor Lino Cayetano bilang alkalde ng Lungsod Taguig sa nagdaang 2019 local election kaya mananatili ang huli na punong lungsod.
Base sa ibinabang Order ng Comelec kamakailan, walang nakitang patunay ng mga iregularidad kagaya ng pamimili ng boto, pag-shade ng poll watchers ng mga balota, pamamahagi ng sample ballots, at malfunction ng VCMs (vote counting machines) na siyang nagbigay di-umano ng panalo kay Mayor Cayetano.
Ayon sa Comelec, nakita sa mga binuksan at manual na siniyasat na mga balota na walang iregularidad sa botohan. Bagkus, naitaguyod ng mga nirepasong balota ang malinaw na pagpili.
Sa 252-pahinang Order, isinaad ng Comelec ang pagbusisi ng walong (8) Revision Committees sa mga balota sa 93 pilot protested precincts na katumbas ng 20% ng 467 protested precincts. Sa naunang pagbilang ng VCMs sa naturang 93 precincts, may 33,557 na balota ang pabor kay Cayetano samantalang may 25,463 ang inilista kay Cerafica.
Nabatid pa sa idinaos na eleksyon na malaki ang kalamangan ni Cayetano kay Cerafica matapos mabilang sa kanyang pabor ang 172,710 na boto samantalang 109,313 lamang ang nakuhang boto ni Cerafica. Datapuwa’t ang kalamangan ay 63,357 na boto, hindi nag-atubiling maghain ng protesta si Cerafica.
Base sa patakaran ng Comelec, kailangang magpakita ng substantial recovery ang protester upang maipagpatuloy ang kanyang paghahabol sa mga naiwang contested precincts.
Muling tumatakbo si Cerafica sa pagka-alkalde ng lungsod sa Mayo at makakatunggali niya si Congresswoman Lani Cayetano. (JESSE KABEL)
230 