KASADO na sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pag-amyenda sa Oil Deregulation Law upang matiyak na magkakaroon ng kumpetisyon sa industriya at maproteksyunan, hindi lamang ang consumers kundi ang national economic security.
Kinumpirma ng chairman ng House committee on ways and means na si Rep. Joey Salceda na binubuo na nila ang panukalang batas para amyendahan ang Republic Act (RA) o “Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998”.
Sinabi ng mambabatas na maglalatag ito ng limang puntos sa pag-amyenda sa nasabing batas, pangunahin na rito ang pagtiyak na may sapat na reserba ng langis sa bansa kaya kailangang mag-imbak ng krudo lalo na sa panahon na mababa ang presyo nito sa world market.
“This would help ensure adequate supply at affordable domestic prices during periods of high world market prices. When price increases are artificial or due to collusion among players, it will also help the state pop such bubbles,” anang solon.
Hiniling ng Malakanyang sa Kongreso na rebisahin ang nasabing batas sa gitna ng lingguhang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at nagpapatuloy na sitwasyon sa Ukraine na inaasahang mayroong economic impact sa Pilipinas.
Sinabi ni acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang pagrebisa sa Oil Deregulation Law ay kasama sa medium-term measures na napagkasunduan sa top-level special meeting na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso noong Pebrero 4 at magpapatuloy lamang sa Mayo 23 o matapos ang May 9 national at local elections. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
288
