ILANG buwan bago ang takdang petsa ng pagbaba sa pwesto, nangusap ang Pangulo. Aniya, kailangang tuparin ng gobyerno ang pangakong joint oil exploration sa karagatang sakop ng pinagtatalunang teritoryo sa gitna ng lumalalang krisis sa ating estado.
Partikular niyang tinukoy ang proyektong ipinangako niya sa mga Tsino nang siya’y maupo bilang Pangulo sa isang bahurang mayaman sa langis na nakadeposito.
Sa kanyang pahayag, marami ang diskumpiyado sa motibo ng Pangulong patapos na ang termino. Dangan naman kasi, tuluyan nang mawawala ang kontrol ng gobyerno sa likas-yamang mistulang kontrolado na ng mga Tsino.
Ang totoo, hindi biro ang kitang nawala sa gobyerno nang masungkit ng Udenna Corp. na pag-aari ng isang malapit na kaibigan ng Pangulo, ang controlling stake mula sa dalawang kumpanya ng langis sa bansa – ang Chevron at Petron.
Sa tala ng mga eksperto, hindi bababa sa P91 bilyon kada taon ang ipinamigay at napunta lang sa kumpanya ng BFF ng Pangulo.
Ang masaklap, pati ang Recto Bank na may tinatayang 11 bilyong bariles ng langis (bukod pa sa 190-trilyon cubic feet ng natural gas) na nakadeposito sa kailaliman nito, iniinteres ng mga Tsino sa tulong ng isang bida sa Palasyo.
Malinaw ang nilalaman ng 2016 ruling ng international tribunal – ang Recto Reed ay pag-aari ng Pilipino lalo pa’t pasok na pasok ang teritoryong inaangkin ng mga Tsino sa exclusive economic zone ng bansang Pilipinas.
Ang siste, hindi kinikilala ng Tsina ang pasya ng international tribunal. Kung nagawang deadmahin ng Tsina ang pasya ng international tribunal, paano pa ang isang simpleng kasunduan?
Hindi sapat na dahilan ang dinaranas na krisis sa enerhiya at langis para ang estado’y sa patalim kumapit. ‘Di rin naman masama ang konteksto ng isang joint oil exploration kung mas malaki ang magiging pakinabang ng ating estado.
Ang problema, iginigiit ng mga Tsino na kanila ang Recto Bank at iba pang islang pasok sa ating teritoryo.
Kung pagbabatayan ang polisiya ng administrasyon ng nakaupong Pangulo, malinaw na hindi pumapabor sa mga Pilipino ang mga kasunduang pinasok ng gobyerno sa bansang puro lang pambabarako ang alam gawin sa sambayanang Pilipino.
Sa pinagdadaanang krisis, solusyon nga ba ang yumuko sa mga Tsino? Sana naman, manindigan ang susunod na Pangulo. Ang Pilipinas para lang sa mga Pilipino.
203 