AFP huwag kaladkarin sa pulitika MGA SUNDALO IWAS MUNA SA SOCIAL MEDIA

MULING nanawagan ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga partido pulitikal, mga tagasuporta at indibidwal na iwasang kaladkarin o idamay ang military organization sa kanilang political agenda.

Nauna nang inatasan ni Army Commanding General Philippine Army Ltgen Romeo “Omet” Brawner ang lahat ng kanyang mga tauhan na umiwas sa isyung pulitikal, pagpo-post, mag-comment o mag-like sa mga post sa social media na may kaugnayan sa eleksyon o mga politiko.

Paglilinaw ni AFP Spokesman, Col. Ramon Zagala, higit kailan man ay nananatiling non-partisan o apolitical ang buong hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Ayon kay Col. Zagala, mahigpit ang kautusan ni AFP Chief of Staff Gen. Andres Centino sa kanilang hanay na dumistansya sa kanino mang politiko lalo sa kanilang mga aktibidad ngayong panahon ng halalan.

Nilinaw pa ng AFP na nakatuon ang militar sa kanilang mandato na protektahan ang sambayanang Pilipino at estado. At ngayong panahon ng eleksyon ay tutulong sila sa PNP sa pagtiyak na magiging malinis, maayos, tahimik at mapayapa ang gaganaping May 9 national and local polls.

Ang apela ng AFP ay kasunod ng mga isyung hindi umano pinapasok sa Camp Aguinaldo sa Quezon City ang isang supporter ni Presidential Candidate Leni Robredo kamakailan dahil sa ribbon na nakakabit sa side mirror nito.

Isang supporter din umano ang pinaalis sa parking area sa San Fernando Air Base.

May mga lumalabas ding balita na sinusuportahan ng militar si VP Leni habang may mga aktibo umano at retired military officer naman ang pumapanig sa katunggali nitong si dating senador Bongbong Marcos.

Sinasabing military officers din ang nasa likod ng apela para ibasura ang MOA sa pagitan ng Comelec at Rappler. (JESSE KABEL)

272

Related posts

Leave a Comment